

Ang 9.51-karat na blue diamond ring, na kilala bilang Mellon Blue, ay nasubasta sa Christie's auction house sa Geneva sa halagang $25.6M nitong Martes, ika-11 Nobyembre.
Ayon kay Max Fawcett, pinuno ng alahas sa Christie's: “Ang Mellon Blue ay isang natatanging bato.”
Ang nasabing diyamante ay dating pagmamay-ari ni Rachel Lambert Mellon, o Bunny Mellon, isang horticulturalist, philanthropist, at art collector sa Amerika.
Ito ay bahagi ng Magnificent Jewels sale sa lungsod ng Swiss, kung saan naibenta ito sa halagang 20,525,000 Swiss francs sa Hotel des Bergues, matapos tantiyahin na maibenta sa pagitan ng 16 at 24 milyong francs.
Kakaiba rin ang disenyo ng diyamante dahil isinadya itong hugis ahas, na nagdadagdag sa alindog ng singsing.
Malalim din ang kasaysayan nito, sapagkat sinasabing sumisimbolo ito sa uri ng pamumuhay mula sa nakalipas na siglo, ang pamumuhay na posibleng mula pa sa Gilded Age.
Huling natunghayan sa publiko ang singsing noong 2014 nang ito ay masubasta sa New York matapos pumanaw si Mellon sa edad na 103, kung saan naibenta ito sa halagang $32 milyon.
Naniniwala si Tobias Kormind, tagapamahalang direktor ng 77 Diamonds, na mas tataas pa ang presyo ng singsing. Ngunit sinabi rin niya na maaari ring naapektuhan ito ng mga tensiyon sa geopolitika sa Ukraine at ng humihinang ekonomiya ng China dahil sa mga taripa na ipinatupad ni Trump.
Ayon kay Rahul Kadakia, na nangasiwa sa bentahan, ang presyo ng alahas ay nagpapakita ng “panlasa ng mga kolektor para sa mga pambihira at may kasaysayang hiyas.”