Handa si Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson na magbigay ng legal na payo sa kapwa dating hepe ng Philippine National Police at kapwa Senador, Ronald "Bato" dela Rosa, sakaling humarap ito sa International Criminal Court (ICC) kaugnay ng laban kontra droga noong nakaraang administrasyon.
Umusbong ang pahayag ni Lacson matapos sabihin ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla nitong nakaraang weekend na mayroon nang naisyung warrant mula sa ICC para kay Dela Rosa, bagay na wala pang kumpirmasyon mula sa DOJ at sa mismong ICC.
Sa isang ambush interview nitong Martes, ika-11 ng Nobyembre, sinabi ni Lacson na nais umano niyang makausap si Dela Rosa para magbigay ng ilang payo, hindi para tulungan siyang magtago, kundi upang hikayatin siyang harapin ang mga akusasyon.
Lahad ni Lacson na naniniwala siyang alam ni Dela Rosa ang dapat gawin sakaling makakuha ng warrant of arrest mula sa pandaigdigang hukuman, ngunit nais pa rin umano niyang "ibahagi ang kanyang sariling karanasan sa batas at mga alituntunin ng ICC."
Matatandaang noong 2010, nasangkot sa halos parehong kalagayan si Lacson nang maakusahan siya ng double murder kaugnay ng pagpatay kay Salvador Dacer at sa drayber nito na si Emmanuel Corbito noong 2000. Matapos ang higit isang taong pagtatago dahil sa takot sa prosecusyon, lumantad siya noong Marso 2011 kung saan di nagtagal at nadismiss siya sa kaso.
Dagdag pang biro ni Lacson, “Hindi pa naman siya naka-decide kung magtatago eh. Kung mag-decide siya magtago, edi tuturuan ko siya paano magtago. Joke lang.”
Ngunit paglilinaw ni Lacson, magkaiba pa rin ang sitwasyon nila ni Dela Rosa, kung saan magkaiba ang local at international tribunal.