

Kinukondena ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga opisyal na "hayahay" lamang sa kanilang mga obligasyon sa gitna ng hagupit ng mga sakuna.
Ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary Claire Castro, ito ang reaksyon ng Pangulo ukol sa mga lumabag sa memorandum ng Department of Interior and Local Government (DILG) na inilabas noong ika-8 ng Nobyembre.
Mariing ipinagbabawal nito ang paglipad sa ibang bansa ng mga kawani ng lokal na pamahalaan mula ika-9 hanggang ika-15 ng Nobyembre upang masiguro ang pag-aksyon sa epekto ng bagyong Tino at ng Supertyphoon Uwan.
Ani Castro, hindi sang-ayon ang Pangulo sa tinaguriang “chill leadership,” dahil ang mamamayan ay umaasa sa gobyerno sa panahon ng kalamidad.
Sinabi rin ni Castro na ang Department of the Interior and Local Government, sa pamumuno ni Jonvic Remulla, ang mangunguna sa imbestigasyon kung saan titingnan ang dahilan ng mga opisyal sa kanilang international flights, kabilang si Isabela Governor Rodolfo Albano III, na nagsabing minsan ang labis na ulat ng PAGASA ay nagdudulot lamang ng “anxiety sa mamamayan.” Dagdag pa niya, “Para sa akin, ‘just chill.’”
Sa kasalukuyan, tinatayang nasa 40 travel leaves na ang kinansela, alinsunod sa memorandum.