

Mananatiling suspendido ang biyahe ng Pasig River Ferry Service dahil sa inaasahang epekto ng Super Typhoon Uwan sa Metro Manila sa darating na Lunes 10 Nobyember ayon sa Metropolitan Manila Development Authority
Sa isang abiso nitong Linggo, nanawagan ang MMDA sa publiko na mag-ingat at manatiling updated sa mga ulat ng panahon.
Una nang sinuspinde ng Pasig River Ferry Service ang mga biyahe nito noong Sabado matapos ilagay ang Metro Manila sa ilalim ng Tropical Cyclone Wind Signal No. 1.
Batay sa 11 AM cyclone bulletin ng PAGASA, nasa ilalim na ng TCWS No. 3 ang Metro Manila habang nananatili ang lakas ng Uwan. Inaasahan ang super typhoon na tatama sa kalupaan sa gitnang bahagi ng Aurora sa Linggo ng gabi o maagang Lunes ng umaga.
Sinuspinde rin ng MMDA ang pinalawak na number coding scheme sa Lunes. Mas maaga ngayong araw, inihayag ng Malacañang ang suspensyon ng trabaho sa pamahalaan sa siyam na rehiyon sa Nobyembre 10 at ng mga klase sa 12 rehiyon sa 10 hanggang 11 Nobyembre dahil sa epekto ng super typhoon.