SUBSCRIBE NOW SUPPORT US

OCD: 114 patay, 127 nawawala dahil kay #TinoPH

OCD: 114 patay, 127 nawawala dahil kay  
#TinoPH
courtesy of Philippine Red Cross Facebook Page
Published on

Patuloy ang ginagawang operasyon ng Office of Civil Defense (OCD) sa iba’t ibang bahagi ng Visayas matapos ang pananalasa ng Bagyong Tino, na nagdulot ng matinding pinsala sa Cebu at karatig-lalawigan.

Sa panayam kay Assistant Secretary Bernardo Rafaelito Alejandro IV, Deputy Administrator for Operations ng OCD, inihayag niyang umaabot na sa 127 ang kabuuang bilang ng mga nawawala sa Cebu Province.

Sa Mandaue City pa lamang, 51 katao ang naitalang nawawala, kabilang ang 34 mula sa Compostela, 17 sa Balamban, at 2 sa Cebu City, habang tig-anim naman sa Talisay.

“‘Yung Cebu mayroon pa ring missing doon... halos 127 ang total missing sa near end. Inaasahan natin na baka madagdagan pa ito,” ani Alejandro.

Dagdag pa niya, 114 katao na ang kumpirmadong nasawi bunsod ng hagupit ng bagyo.

Aniya, isa sa mga pangunahing hamon ngayon ng mga awtoridad ay ang debris clearing operations, dahil sa lawak ng pinsalang iniwan ng rumaragasang tubig at putik.

Sa kabila ng patuloy na rescue at clearing efforts, inaasahan pa rin ng OCD na tataas ang bilang ng mga nasawi at nawawala habang nagpapatuloy ang validation ng mga datos.

Sa kasalukuyan, 1,300 bahay pa lamang ang naiuulat na nasira, ngunit patuloy ang pag-verify ng ahensya.

Pagdating naman sa tulong, sinabi ni Alejandro na umabot na sa ₱86.1 milyon ang naipamamahaging assistance ng pambansang pamahalaan sa mga lokal na pamahalaan na lubhang naapektuhan ng bagyo.

Bukod dito, 119 na lugar ang nawalan ng kuryente o nakaranas ng paputol-putol na suplay, ayon pa sa OCD.

Samantala, binabantayan din ng ahensya ang panibagong weather disturbance malapit sa Mindanao, na ayon kay Alejandro ay may posibilidad na maging malakas.

“Hindi lang ‘yung mata ang binabantayan natin kundi pati ‘yung rainband. Forecasted na napakalakas nito,” babala niya.

Patuloy ang paalala ng OCD sa publiko na manatiling alerto at makipag-ugnayan sa mga lokal na awtoridad habang nagpapatuloy ang search, rescue, and relief operations sa mga apektadong lugar.

Latest Stories

No stories found.
logo
Daily Tribune
tribune.net.ph