SUBSCRIBE NOW SUPPORT US

'Sa Ilalim ng Durian'

'Sa Ilalim ng Durian'
Alamy
Published on

Nakita ni David si Lia na naglalaro sa ilalim ng puno ng durian. Hindi ito ang unang pagkakataon na kanyang pinanood ang batang babae. Matagal na ni David na kilala si Lia, kahit na alam niya na 'di man lang siya mamu-mukhaan nito.

Si Lia ang apo ng guidance counsellor ng kanilang paaralan, at yung bag niya ang pinakamaganda sa lahat, kinaiinggitan ng ibang mga batang babae. Kung tutuusin, hindi naman gaano kamahalan yung backpack. Pero para sa mga bata sa pampublikong paaralan nila, ito na halos ang katumbas ng ginto dahil binili ito sa SM National Bookstore at hindi sa mga tiangge ng palengke. Makintab nga naman ito dahil sa pink glitter na design, at marami rin itong bulsa. Kulay pink din ang mga notebook na nakapaloob dito. Bagay na bagay para kay Lia na parang isang prinsesa na mala-rosas ang pisngi tuwing tumatawa.

Hindi niya kaklase si Lia, dahil section one siya at section two si David. Pero lagi niya naman itong nakikita pumasok sa paaralan ng maaga, hatid ng tricycle na school service na binabayaran ng kanyang Lola. Isa nanaman itong patunay na mas angat si Lia, dahil alam ni David na bawat araw, one hundred pesos ang bayad sa tricycle na ito, papunta at pabalik, samantala ang pamasahe niya ay eight pesos sa bawat sakay ng jeep, kasama na ang discount para sa estudyante. Pamasahe lamang ni Lia ay labis na higit pa sa baon niya sa isang araw.

Hapon na, at naglalaro si Lia sa ilalim ng puno mag-isa. Wala na rin halos ibang estudyante sa eskwela, maliban na lang siguro sa mas matatanda na Grade 5 at Grade 6, o kaya yung mga estudyanteng may extra lessons at training para sa nalalapit na patimpalak laban sa ibang mga paaralan para sa Math. Grade 3 pa lang silang dalawa, kaya nakakapagtaka na nandito pa ang batang babae. Kaya pinanood na lamang ni David si Lia habang tumatakbo takbo ito paikot ng puno, para bang may hinahabol, at ang kanyang kulot na buhok na parang tumatalon talon tuwing nililipad ng malamig na hangin. Naka-tirintas na dalawa ang buhok ni Lia na may pink ribbon sa dulo. Mas nagmukha siyang prinsesa. Kulang na lang ang magandang pink na bestida. Maganda pa rin naman siya sa puting blusa at asul na palda na uniporme ng mga babaeng estudyante.

Ayaw pa ni David umuwi, kasi siguradong nasa kanto pa ng kanilang eskinita si Tatay, nakikipag-inuman sa kanyang mga kumpare. Kapag lasing siya ay mabilis magalit, kaya mag-aantay si David ng mga alas otso bago umuwi. Alas singko pa lang. Tatlong oras pa. Kaya umupo muna siya sa sahig ng basketball court ng kanilang paaralan at kinuntento ang sarili na panoorin si Lia.

Kanina pa patakbo takbo paikot ng puno ang batang babae. Dahil sa pagtataka kung bakit niya ito ginagawa, kinusot ni David ang mga mata at pinilit na lapitan ang tingin. Nakita niya na may hawak na maliit na bilog na salamin si Lia, at ginagamit niya ito para habulin ang ilaw ng streetlight. Yung reflection ng ilaw, pinapatama niya sa puno, at sa bawat pag-ikot, humahanap siya ng bagong anggulo para habulin yung ilaw.

Isang oras nang naglalaro si Lia, at isang oras din siyang pinapanood ni David. Siguro nung nainip na ito sa paglalaro gamit ang ilaw at salamin, ay nabaling na ang tingin ni Lia sa nakapintang hopscotch sa sahig. Kaya naman ito na ang sunod nitong nilaro, at kumuha siya ng makinis na bato galing sa flowerbed bilang pamato. May pinturang matingkad na blue ang batong pinili ng batang babae. Kahit na mag-isa siya sa paglalaro ng hopscotch ay ngiting-ngiti pa rin si Lia.

"Hindi kaya siya nalulungkot? Hindi ba siya naghahanap ng kalaro?" tanong ni David sa sarili, pero hindi naman siya gumalaw sa pinagkakaupuan niya. Nanatili siyang nakaupo. Nanatili si Lia na naglalaro mag-isa.

Maya maya, umalingawngaw na ang motor ng sundong tricycle. Lumabas mula ng building ang guidance couselor para sabayan ang apo sa pag-uwi. Pagkatapos niyang kunin ang makintab na backpack, biglang tumingin si Lia sa direksyon ni David. Ang batang lalaki ay parang nanigas sa kanyang inuupuan sa sahig. Hindi siya gumalaw kahit kaunti lamang, at pilit ding pinigilan ang paghinga na tila ba pag ginawa niya ito, maglalaho siya sa paningin ng batang babae. Pero madilim nanaman ng ganitong oras, at sumakay na si Ma'am Gacha at si Lia sa tricycle. Hindi tuloy malaman ni David kung nakita ba siya ng batang babae o hindi. Pinanood niya ang tricycle nila na umandar pauwi, at naiwan na si David mag-isa. Dalawang oras pa siya mag-aantay dito.

Nung sigurado siyang malayo na ang tricycle ni Lia, tsaka lamang siya tumayo at lumapit sa puno ng durian. Doon niya nakita na mayroong isang malaking butiki na nakakapit sa sanga nito. Naintindihan niya na kung ano ang hinahabol ni Lia ng ilaw kanina. Sunod ay tumingin naman si David sa hopscotch sa sahig, at nakita niya ang batong ginamit ni Lia sa paglalaro at iniwan. Pinulot niya ito at binulsa. Nagpanggap si David na isang mahiwaga at mahalagang diamante ang kanyang nakuha. Nagsimula na siyang maglakad pauwi, bagamat mabagal ang mga hakbang at hindi nagmamadali.

Kinabukasan, alas singko y media na bago si David bumalik sa basketball court. Lumabas kasi siya ng paaralan pagkatapos silang palabasin ng alas kwatro. Bumili siya ng kwek-kwek at palamig kayna Aling Maring. Pagbalik niya sa eskwela, wala si Lia sa ilalim ng puno ng durian, kaya nilapitan niya muli ang hopscotch. Hindi niya masyadong matandaan ang rules ng laro, dahil laging sinasabi ng kanyang mga kaibigan na ang hopscotch ay pambabae lamang. Ang lagi nilang nilalaro ay pogs o kaya beyblade. Pero ngayon na halos wala nanamang tao sa eskwela, kinuha ni David ang bato ni Lia mula sa bulsa ng kanyang khaki shorts, at hinagis ito. Tumama ito sa kahon na may nakasulat na “4”. Hindi niya alam ang susunod na gagawin, kaya tumalon na lamang siya sa mga kahon gamit ang isang paa, at nagbalanse at yumuko para kunin ang matingkad na bato. Sa pagtungo niya, yung pulang backpack niya ay dumulas sa kanyang likod at tumama sa kanyang ulo. Natumba siya at sumubsob sa sahig na parang palaka. Ang dalawang kamay at dalawang tuhod ay narumihan ng alikabok, at naramdaman na ni David ang mga gasgas at sugat na kakailanganin niyang linisin mag-isa mamaya. Sana lang ay hindi gaano karami ang dugo.

Pagkatayo niya, binulsa niya muli ang bato, at pinagpagan ang mga kamay at tuhod. Bigla naman siyang nagulat nang makarinig ng mga hakbang na patungo sa kaniya.

Si Lia!

Biglang naramdaman ni David ang pag pula ng kanyang mukha, at agad siyang tumakbo palayo, halos hindi makahinga sa kaba at pagkahiya. Baka nga nakita siya ni Lia kahapon. Baka isipin nito na ginagaya siya ni David! Kaya binilisan niya pa ang pagtakbo, at tumigil lamang nang makaliko na siya ng kalye. Inilabas at tiningnan niya muli ang bato mula sa kanyang bulsa. Napangiwi siya sa hapdi at sakit ng kanyang mga sugat. Kahit kumalma na siya dahil malayo na siya kay Lia, nakaramdam si David ng kirot sa dibdib. Lungkot at kahihiyan. Hindi sila magkaibigan ni Lia, at bakit naman sila magiging magkaibigan? Hindi naman sila magkaklase. Hindi rin naman siya kilala nito. Siya lang ang nakakakilala kay Lia, at ito ay dahil sikat siya bilang apo ni Ma’am Gacha.

'Di bale, alas sais nanaman. Siguro tatambay muna si David sa isang computer shop at manonood sa mga customer na naglalaro ng Tekken o Call of Duty. Nagsimula na siyang maglakad, at habang hinahawakan at pinapaikot-ikot ang bato sa bulsa, narinig niya ang “tsk tsk tsk” ng butiki, at para niya na ring narinig ang maganda at nakakahawang tawa ni Lia.

Latest Stories

No stories found.
logo
Daily Tribune
tribune.net.ph