
Abala ngayon ang dating child actress na si Isabelle de Leon sa pagbebenta ng kanyang mga damit at iba pang gamit matapos nitong sabihin sa publiko na siya ay lilisan na ng Pilipinas at maninirahan na permanente sa Estados Unidos.
Ito ay inanunsyo ng aktres sa kanyang Instagram page noong Hulyo 10, kung saan naghahanap siya ng buyer ng kanyang mga ibinibentang gamit.
Ibinebenta ni De Leon ang 10 piraso ng damit sa halagang P1,000, at namimigay siya ng 10 piraso ng damit nang libre para sa bawat P3,000 na halaga ng pagbili. Ayon sa kanya, karamihan sa mga damit ay minsan lang nagamit sa taping at ang ilan ay may price tag pa.
Nakilala si De Leon sa pagganap bilang Duday sa 2001 TV sitcom ng GMA na “Daddy Di Do Du” at sa 2003 na pelikulang “Magnifico,” kung saan siya ay ginawaran ng FAMAS Best Child Actress award.
Pinasok din ng aktres ang larangan ng pageantry at sumali sa Miss World Philippines 2019, kung saan napanalunan niya ang titulong Miss Multinational Philippines 2019.