
Ikinatuwa ng grupo ng mga kawani mula sa hanay ng non-teaching personnel ang pag-apruba ng Department of Budget and Management (DBM) sa 10,000 bagong posisyon para sa susunod na school year.
“Mahalaga talaga na madagdagan ang non-teaching positions dahil agad-agad na naipapasa sa kanila ang mga gawaing administratibo na dating nakaatang sa mga guro,” ayon kay Atty. Domingo Alidon, pangulo ng Department of Education-National Employees Union, sa isang panayam nitong Sabado.
Ibinahagi ni Alidon ang patuloy na kakulangan ng non-teaching personnel sa halos 42,000 pampublikong paaralan sa buong bansa.
“Kung seryoso tayo sa pagbibigay ng dekalidad na serbisyo publiko, kailangan nating dagdagan ang mga non-teaching personnel para matugunan ang mga auxiliary functions sa bawat sulok ng bansa,” giit niya.
Pinuri rin ni Alidon ang rekomendasyon ni Budget Secretary Sonny Angara na dagdagan ang mga non-teaching positions.
“Pinahahalagahan namin ang hakbang ni Secretary Sonny Angara na irekomenda ito. Salamat at inaprubahan ito ng pambansang pamahalaan,” dagdag niya.
Ayon kay Alidon, madalas na sabay-sabay ang trabaho ng mga non-teaching personnel sa paaralan kaya’t lalong kinakailangan ang dagdag na tauhan. Nanawagan din siya sa pamahalaan na mag-hire ng karagdagang medical personnel, admin officers, accountants, at higit sa lahat, mga abogado upang mas mapagtuunan ng pansin ng mga superintendents at principals ang kanilang mga tungkuling pang-edukasyon.
“Dapat lahat ng division offices ay may mga abogado. Ang nangyayari kasi, imbes na naka-focus ang ating mga superintendent sa educational management, nadidistract sila sa pagsagot sa mga isyung legal at mga reklamo,” ani Alidon.
“Ngayon, dahil sa rationalization plan, maraming maliliit na school division offices ang walang abogado. Sana ay magkaroon ng legal unit sa bawat division office,” dagdag pa niya.
Maliban sa mga bagong posisyon para sa non-teaching staff, inaprubahan din kamakailan ng DBM ang 16,000 teaching positions para sa school year 2025-2026.