
Kasunod ng kanilang kampanya na “May Piso sa Mosquito,” ang Barangay Addition Hills sa Mandaluyong City ay lumahok naman ngayon sa nationwide cleanup drive na inilunsad ng Philippine Red Cross.
Tulong-tulong ang mga tauhan ng barangay sa paglilinis ng mga drainage at pagtanggal ng bara sa mga kanal upang matiyak ang maayos na daloy ng tubig at maiwasan ang pag-itlog ng mga lamok.
Nakibahagi rin sa kampanyang "Linis Beats Dengue" ng PRC ang mga miyembro ng Armed Forces of the Philippines, na nagsimula ng paglilinis bandang alas-6 ng umaga.
Layunin ng kampanyang ito na mapanatili ang kalinisan sa mga komunidad upang maiwasan ang pagkalat ng dengue, isang sakit na dala ng lamok.
Nauna nang iniulat ng Department of Health na umabot na sa higit 43,700 ang kaso ng dengue sa buong bansa ngayong taon — isang pagtaas ng mahigit 50 porsyento kumpara sa parehong panahon noong 2024.