
Arestado ang ilang indibidwal matapos magbenta ng pekeng sigarilyo sa isang entrapment operation na isinagawa ng National Bureau of Investigation (NBI).
Ayon kay NBI Director Jaime Santiago, inihahanda na ng ahensya ang mga kasong isasampa laban sa mga suspek. Isinagawa ang operasyon upang matukoy ang isang tauhan ng bodega sa Capas, Tarlac na sangkot sa ilegal na gawain.
Ang nasabing bodega ay kinontrata ng Bureau of Customs (BOC) para sunugin ang mga nakumpiskang iligal at pekeng sigarilyo na ipinuslit sa bansa.
Gayunman, sa halip na sunugin ang mga nasabat na produkto, ibinebenta umano ito online ng mga suspek. Sa isinagawang pagsalakay, tumambad sa mga operatiba ang mahigit 300,000 kaha ng sigarilyo na nagkakahalaga ng P270 milyon.
Sasampahan ang mga naarestong suspek ng paglabag sa Anti-Agricultural Economic Sabotage Act.