
Isang Piper Tomahawk (RPC1085) training aircraft na pag-aari ng Flightline Aviation Flight School ang napilitang mag-emergency landing sa isang open field sa Brgy. Langlagan, Plaridel, Bulacan, bandang 9:45 AM ng Pebrero 19, 2025.
Ang naturang sasakyang panghimpapawid ay pinalipad ng Instructor Pilot na si Valentin Torres III at Student Pilot na si David Cabrera sa isang proficiency flight. Sa kabila ng hindi inaasahang paglapag, ligtas at nasa mabuting kondisyon ang dalawang piloto.
Ang helicopter crew ng PNP Robinson R44 na sina PMAJ Bjorn Nicole A. Blanes (Pilot-in-Command), PMAJ Junedel S. Mormolindo (Co-pilot), at PCPT Benedict DT De Guzman (Pilot) ay nasa isang hiwalay na flight nang makatanggap ng tawag ukol sa insidente.
Agad na rumesponde ang PNP Air Unit at natukoy ang landing site (Coordinates: 14°52’35”N, 120°50’43”E). Kinumpirma nilang ligtas ang mga piloto at nakipag-ugnayan sa Plaridel Municipal Police Station (MPS) at Aviation Security Unit 3 (AVSEU 3) para sa scene turn-over bago ipagpatuloy ang kanilang flight.
Patuloy pang iniimbestigahan ang dahilan ng emergency landing. Susuriin ng mga awtoridad mula sa Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) at iba pang ahensya ang sasakyang panghimpapawid upang matukoy ang sanhi ng insidente.