
Bilang solusyon sa dumaraming kaso ng dengue, gumawa ng sariling programa ang mga taga-Brgy. Addition Hills sa Mandaluyong City upang mahikayat ang mga residente na makiisa sa pagpuksa ng mga lamok dahil sa paglaganap ng kaso ng dengue. Tinawag itong “May Piso sa Mosquito.”
May alok na pabuya ang mga taga-barangay para sa mga residente na makapagdadala ng lamok, buhay man o patay, kapalit ng piso bawat isang lamok.
Matatandaan na ang Quezon City ay nagdeklara ng dengue outbreak dahil sa pagkamatay ng sampung residente mula Enero hanggang ika-14 ng Pebrero ngayong taon. Samantala, patuloy din ang pagtaas ng mga kaso ng dengue sa Brgy. Addition Hills.
Naglagay ng aquarium na may UV light sa barangay, at doon ilalagay ang bawat lamok na mahuhuli. Sa pamamagitan nito, makikita kung gaano karaming lamok ang madadala ng mga residente, na papalitan naman ng piso.