
Muling nagbabala ang Bureau of Immigration (BI) sa publiko laban sa mga online love scam, partikular na ngayong Valentine’s season, kung saan madalas mabiktima ng mga scammer ang mga taong madaling malinlang.
Ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado, nakakatanggap pa rin ang ahensya ng mga ulat at reklamo ng mga Pilipinong niloloko ng mga indibidwal na nagsasabing sila ay mga dayuhan na naharang ng mga opisyal ng imigrasyon pagdating sa Pilipinas.
Idinagdag ng BI chief na ang modus ng mga ito ay magpapanggap ang isang manloloko bilang isang dayuhan na umibig sa biktima nito online at sinabing naharang sa airport dahil sa pagdadala ng mga mamahaling regalo, tulad ng engagement ring o malaking halaga ng pera.
Kasunod nito, ang biktima ay makikipag-ugnayan sa opisyal ng imigrasyon na humihingi ng pera upang maggarantiya ang pagpapalaya sa nagpapanggap na dayuhan.
Sa isang naiulat na kaso noong Agosto ng nakaraang taon, isang babae ang naloko sa pagbabayad ng P70,000 matapos sabihin na ang kanyang nobyo sa ibang bansa ay inaresto dahil sa money laundering. Ang ibang mga biktima ay nalinlang na magbayad upang mapalaya ang kanilang mga partner, ngunit natuklasan nila sa huli na ito ay isang scam.
Inulit ng BI ang dedikasyon nito sa pag-iingat sa mga Pilipino laban sa mga mapanlinlang na pakana, alinsunod sa tagubilin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na patibayin ang seguridad sa hangganan at itigil ang mga gawaing kriminal na sinasamantala ang mga inosenteng tao.
Pinag-iingat ng BI ang mga Pilipino laban sa love scam. Utos rin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na patibayin ang seguridad at itigil ang mga gawaing kriminal na sinasamantala ang mga inosenteng tao.