Maglulunsad ang lokal na pamahalaan ng Quezon City ng internship programs na magsisilbing on-the-job experience para sa mga aspiranteng beterinaryo at mga senior high school students na may interes sa larangang ito.
Sa pamamagitan ng City Veterinary Department, magsasagawa ang lungsod ng work immersion program para sa mga mag-aaral ng senior high school, alinsunod sa nilagdaang Memorandum of Agreement sa Quezon City Science High School.
Binuksan ng Quezon City Veterinary Department (QCVD) ang mga pinto nito para sa mga SHS na mag-aaral na nais magkaroon ng karanasan sa mga serbisyong beterinaryo.
Mag-aalok din ang QCVD ng hands-on training sa mga clinical practices, animal care adoption, rabies prevention and control, at spay and neuter procedures. Ituturo din ang food hygiene at meat regulation upang matiyak ang kalidad ng mga pagkain.
Nakipag-ugnayan na ang QCVD sa ilang unibersidad at kasalukuyang tinatapos ang mga partnership sa pamamagitan ng Memorandum of Understanding.
Bukod dito, nakikipagtulungan din ang departamento sa Quezon City University upang isama ang mga espesyal na module sa mga programang pagsasanay.