
Nakalusot sa ikalawang pagbasa sa Kamara ang panukalang ipagbawal sa bansa ang POGO (Philippine Offshore Gaming Operations).
Marami ang pumabor sa sesyon para sa House Bill 10987 o ang anti-POGO Bill. Ito ay isang panukalang ng House Quad Committee mula sa kanilang imbestigasyon ukol sa iligal na operasyon ng POGO sa bansa.
Sa ilalim ng panukala, hindi na papayagan ang lahat ng uri ng offshore gaming operations sa Pilipinas.
Posibleng mabawi rin ang lisensya ng lahat ng indibidwal na naisyuhan ng lisensya, kasama ang gaming agents ng PAGCOR, Cagayan Economic Zone Authority o CEZA, Aurora Pacific Economic Zone and Freeport Authority o APECO, at Authority of the Freeport Area of Bataan o AFAB, para sa offshore gaming operations.
Idedeklara rin na kanselado ang mga visa na inisyu ng Bureau of Immigration maging ang employment permits na ibinigay ng Labor Department sa mga dayuhan na nagtatrabaho ay POGO.
May kaukulang parusa ang mga lalabag dito kapag ito ay naging ganap na batas, gaya ng pagkakulong ng apat hanggang sampung taon o di kaya magmumulta.