

Taong 2025 na. Sa kalendaryong Intsik, ito ang taon ng kahoy na ahas, isa sa 12 hayop na kumakatawan sa bawat taon ayon sa .
Masama ang kahulugan ng ahas sa ating kultura. Kataksilan at pananraydor ang kasingkahulugan ng katagang “pang-aahas.” Maraming pelikula ang nagpatibay sa kahulugan sa pagtukoy sa mga nanaksil no nanraydor bilang ahas.
Nasa pagkilos ng ahas -- upang umatake ng ibang hayop na kakainin nito -- nakuha ang bansag sa mga taksil at traydor. Dahan-dahan kumilos ang ahas at nagtatago sa mga bato at halaman upang hindi mapansin o mahalata bago sumagpang ng biktima.
Sa totoong buhay naman, ang mga nang-aahas ay nagkukunwaring kaibigan o kakilala upang makuha ang loob ng biktima bago nila sila pagnakawan o siraan.
Ang mga nagpapanggap na kaibigan, kapag bumaliktad at humudas sa biktima, ay maituturing na ahas. Ang mga nagmamanman ay maituturing din na ahas dahil ang mga impormasyon na nakakalap nila sa ibang tao ay gagamitin laban sa kanila pagdating ng panahon. Katulad ng nakuhang submarine drone sa baybayin ng San Pascual, Masbate nitong Lunes.
Hinihinalang pag-aari ng Tsina ang nasabing submarinong pang-espiya at ito’y parang ahas sa tubig dahil nagmamanman ito at kumukuha ng impormasyon sa ating teritoryo.
Ang ganitong pagmamasid sa kapitbahay ay parang pang-aahas na rin dahil ito’y patago.
Malamang hindi lang iisang submarinong drone ang umaaligid sa ilalim ng dagat ng Pilipinas upang mang-espiya.
Hindi pa man Taon ng Ahas ay talamak na ang pang-eespiya sa Pilipinas. At dahil dumating na ang taong ito, marahil ay darami at titindi ang ginagawang pang-aahas sa bansa upang manaig sila sa kanilang interes.
Sa mga mangingisda, maging alisto upang mahuli ang iba pang submarine drone na umeespiya sa ating karagatan at pamumuhay. Mahalagang mahuli ang mga ganitong drone dahil mga banta ito sa seguridad ng bansa.