
Mas pinalawig pa ni senatorial aspirant Luis "Manong Chavit" Singson ang kanyang kampanya sa buong bansa sa pamamagitan ng mga pagbisita sa Central Luzon at Western Mindanao nitong nakaraang linggo.
Sa mga pagbisitang ito, nakipagpulong siya sa iba't ibang lider ng komunidad at mga miyembro ng midya upang ibahagi ang kanyang mga plano at inisyatiba para sa bayan.
Matapos ang isang business trip sa South Korea, isinapubliko ni Singson ang mga pangunahing hakbang na nais niyang isulong sa Senado. Kabilang dito ang pagpapalaganap ng financial inclusion sa pamamagitan ng VBank, pagsusulong ng mga electric vehicles para sa pampasaherong transportasyon, at ang "Chavit 500," isang programa na magbibigay ng universal basic income sa mga Pilipino.
Noong ika-11 ng Disyembre, nakipagpulong si Singson sa mga miyembro ng Circulation Management Association of the Philippines (CMAP) at mga lokal na dealers sa kanilang Christmas party. Ibinahagi niya ang mahalagang papel ng midya sa pag-unlad ng bansa.
Kinabukasan, nagtungo si Singson sa Central Luzon at unang nakipagpulong sa Angeles City Association of Barangay Councils sa Choi Garden Place sa Clark. Ipinaliwanag niya sa mga miyembro ang potensyal ng VBank—isang digital bank na walang initial deposit, walang maintaining balance, at kaunti lamang ang kinakailangang dokumento para magbukas ng account. Layon nitong bigyan ng mas malawak na access sa mga serbisyong pinansyal, lalo na sa mga lugar na hindi pa naaabot ng mga tradisyonal na bangko.
Sa Candaba, Pampanga, sinamahan ni Singson si Mayor Rene Maglaque sa pamamahagi ng cash payouts sa mga benepisyaryo ng TUPAD program na binubuo ng mga displaced workers. Ipinahayag din ni Singson ang kanyang layunin na magbigay ng mas maraming oportunidad sa trabaho at magsagawa ng mga reporma upang higit na magtulungan ang mga negosyo at mamuhunan sa bansa.
Pinuri naman ni Maglaque si Singson dahil sa kanyang matagumpay na track record bilang lider sa Ilocos Sur at ang kanyang potensyal na maghatid ng parehong tagumpay sa buong bansa.
Sumunod na araw, nagtungo si Singson sa Dipolog City kung saan nakipagpulong siya sa mga lokal na lider upang ibahagi ang kanyang economic agenda at mga hakbang upang alisin ang red tape, na siyang makatutulong upang mas madaling makaakit ng pamumuhunan, lalo na sa Zamboanga. Binanggit din ni Singson ang kahalagahan ng maayos na international diplomacy, partikular na sa relasyon ng Pilipinas at China kaugnay ng mga isyu sa West Philippine Sea.
"Kinakailangan natin ng mas maraming pamumuhunan, lalo na sa mga rehiyon tulad ng Zamboanga, upang makapagbigay tayo ng mas maraming trabaho," ani Singson. "Dapat alisin natin ang red tape na nagiging hadlang sa ating pag-unlad."
Sunod na binisita ni Singson ang Zamboanga City, kung saan nakipagpulong siya kay Mayor John Dalipe at mga lokal na lider, kabilang ang mga transport groups, senior citizens, at mga barangay officials. Ibinahagi ni Singson ang kanyang plano na gawing moderno ang pampasaherong transportasyon sa bansa, na sinalubong ng malakas na suporta mula sa mga transport groups ng naturang probinsya. Gayundin, pinagtibay niya ang mas malawak na serbisyo ng VBank sa mga munisipalidad ng Zamboanga upang mas maraming residente ang makinabang sa mga serbisyong pinansyal.