Central Luzon nilibot ni Manong Chavit

senatorial candidate Luis “Manong Chavit” Singson
GERONA, TARLAC — Habang papalapit na ang 2025 midterm elections ay lalong umiigting ang kampanya ni senatorial candidate Luis “Manong Chavit” Singson nang dumalaw siya sa Tarlac at Ilocos Sur kung saan dumalo siya sa inauguration ng Holy Land sa Villa Luisa sa Gerona, Tarlac at sa 202nd founding anniversary ng Divine Word College in Vigan, Ilocos Sur nitong linggo.
Sa kanyang pag-iikot sa Tarlac, sinamahan si Manong Chavit ni Representative Christian Yap nitong Linggo kung saan nilibot nila ang Holy Land Tarlac, isang biblical-themed park na dedicated para sa prayer, reflection at spiritual growth.
Inihayag niya ang kanyang pagkamangha sa mga features ng parke gaya ng Stations of the Cross, floating chapel at ang mga life-sized sculptures nina Padre Pio, Pedro Calungsod at Santo Bangkay.
Partikular na nagustuhan ni Manong Chavit ang floating chapel na may koleksyon ng Marian statues.
Si Yap naman, sinabing nagagalak sila sa pagdalaw ni Manong Chavit na Number 58 sa Senate ballot.
Noong Sabado naman ay dumalaw si Manong Chavit sa Divine Word College na kanyang alma mater sa Vigan, Ilocos Sur. Nagsilbing homecoming ito para sa dating Ilocos Sur governor.
Sa kanyang talumpati sa kanyang alma mater, ibinahagi niya ang kanyang mantra na kredebilidad ang susi sa tagumpay.
“Kapag wala ka nang kredebilidad, wala ka na, you are a nobody,” saad ni Manong Chavit. “Iyan ang palaging sinasabi sa akin ng aking ama, at ang pagtupad sa mga binitiwang salita ang aking naging sandigan upang maging isang epektibong public servant.”
“May isang salita, iyan ako,” sabi pa ni Manong Chavit.
Ibinahagi rin niya ang kanyang mga isinusulong na programa gaya ng public utility vehicle modernization kung saan sinabi niyang handa siyang gumastos para lamang maging moderno ang public transport system sa bansa at padadaliin niya ang transition mula sa traditional jeepneys patungo sa e-jeepneys.
Inilahad rin ni Manong Chavit ang VBank initiative sa Vigan na naglalayong maisama ang lahat ng mga Pilipino sa financial system ng bansa, lalo na ang nasa 77 porsiyento ng mga Pinoy na hanggang ngayon ay walang access sa bank accounts o yung mga “unbanked.”
Samantala, pinuri naman ni Ilocos Sur Governor Jerry Singson ang Divine Word College kung saan isa rin siyang alumnus dahil sa paghubog nito sa mga magagaling na lider ng bansa gaya ni Manong Chavit.
