SUBSCRIBE NOW SUPPORT US

Inindang ayuda

Inindang ayuda
Published on

Sari-sari ang pakulo ng mga pulitiko tuwing may halalan. Nangunguna riyan ang pamamahagi ng ayuda na pagkain o pera dahil marami ang may gusto nito. Marami dahil marami ang hirap makabili ng sapat na kakainin sa taas ng presyo ng mga bilihin. At walang magrereklamo sa mga mabibiyayaan.

Kaya naman dinagsa ang pamamahagi ng ayudang pera para sa mga matatanda o senior citizens kamakailan. Libu-libong residenteng may edad 60 pataas ang inabisuhan sa araw at oras ng pamamahagi ng tulong pinansiyal na nagkakahalaga ng tatlong libong piso pataas.

Maayos naman ang pilahan sa lugar na pinagdausan ng pamamahagi ng ayuda. Wala nga lang sapat na silungan sa mga tao at sa dami nila at ng rekisitos ay halos buong araw tumayo at naghintay ang mga matatanda o kanilang alalay para mabigay ang kanilang ayuda.

Marami man ang masaya dahil nakakuha ng pera matapos ang nakakapagod na pagpila at pagkakabilad sa init ng araw, marami rin ang umuwing luhaan dahil naubusan ng perang ipinamamahagi ang mga namimigay ng ayuda. Bagaman kumuha sila ng pondo para sa mga natitirang nakapila, ang dagdag na oras ng paghihintay ay sadyang pasakit at hindi na kinaya ng mga matatanda kaya nagsiuwian na lamang sila.

Marami ang nakasaksi sa pangyayari. Marami ang may hinanakit sa pahirap na sinapit ng kanilang mga lola at lolo. Alam na ng mga gumagawa ng pamamahagi ng ayuda na mahirap ang ganoong kaparaanan ngunit mukhang maging sila ay walang magawa dahil kawani lamang sila o walang pakialam sa dadanasin ng mga pumila.

Kung bakit hindi na lang pinadaan sa mga bank account, e-wallet, mga sanglaan o ATM card ang pamamahagi ng ayudang pera ay hindi maunawaan. Kung nagagawa na ito sa mga 4Ps at mga namamasada na binigyan ng fuel subsidy card, bakit hind isa mga matatanda.

Sa pananamantala sa mga matatanda, mararamdaman na lamang marahil ng mga nagpahirap sa kanilang pulitiko ang kanilang pagkadismaya sa balota sa araw ng halalan. Na hindi karapat-dapat sa kanilang boto ang mga hindi marunong magpaayuda ng tama at makatarungan.

Latest Stories

No stories found.
logo
Daily Tribune
tribune.net.ph