SUBSCRIBE NOW SUPPORT US

Isang kainan lang

Isang kainan lang
Published on

Sa pagsusuri ng National Economic Development Authority (NEDA), P64 ang kailangan ng isang miyembro ng mahirap na pamilya upang makakain sa isang araw. Kung tatlong beses kakain sa bawat araw, P21 ang halaga o gastos bawat kain.

Aminado ang NEDA na hindi sapat ang sustansyang makukuha sa agahan, tanghalian o hapunan na nasa ganoong halaga. Maaari pa naman makakain ngunit ang mabibili ay dalawang stick ng isaw, o kanin at libreng sabaw sa karinderya.

Kung iba-budget naman ang P64 para sa isang buong araw na kainan, sakaling sumasahod ang padre de pamilya kada buwan, makakabili ito ng kalahating kilo ng bigas na P40 hanggang P43 kada kilo ang halaga sa palengke at isa o dalawang itlog na tig-P8. Maaring iprito ang itlog sa tinging mantika at isaing ang kalahating kilo ng bigas.

Kung tutuusin, kulang pa ang P64 sa isang tanghalian sa mga karaniwang karinderya o turo-turo. Ang ulam na gulay ay aabot na ng P40 at ang ulam naman na karne ay aabot ng P50 pataas habang ang isang tasang kanin ay P12 o P15. Mahigit P100 ang gastos sa tanghalian ng mga nagtatrabaho sa mga opisina sa Metro Manila.

Ikinagulat ng ilang mambabatas ang komputasyon ng NEDA na P64 ang halaga ng isang araw na kainan ng mahihirap. Sa tingin nila ay dapat na mas mataas rito ang komputasyon na siyang pagbabatayan ng mga ayudang binibigay ng pamahalaan.

Kung hindi kakasya ang perang pambili ng pagkain, mabubuhay pa rin naman ang mahirap na mamamayan sa pamamagitan ng pagkain ng isang beses lamang sa isang araw at pagtitiis ng gutom na mararamdaman hanggang sa susunod na kainan. Maraming mamayan ang nagtitiis ng ganoon at ang mga walang tahanan o natutulog sa mga bangketa ay hindi pa nga kumakain ng ilang araw hanggang sa makalimos na sapat na pambili ng kakainin.

Kung hindi matutulungan ng gobyerno na madagdagan ang pambili ng pagkain ng mga mahihirap, maaari nilang ibili na lamang o bigyan sila ng lutong pagkain tulad ng ginagawang soup kitchen sa ibang bansa. May mga isinasagawa nang mga pakain na tulad nito na ang nag-i-sponsor ay mga pribadong kumpanya o lokal na pamahalaan gamit ang kaban ng bayan. Wala namang masama rito basta busog ang tao at lulusog.

Latest Stories

No stories found.
logo
Daily Tribune
tribune.net.ph