Exclusive EDSA motorcycle lane pinag-aaralan

| via Analy Labor
Inihayag ng Department of Transportation na pinag-aaralan na nito ang posibilidad na magkaroon ng motorcycle lane bilang isa pang hakbang para malutas ang problema sa trapiko sa kahabaan ng EDSA.
Sinabi ni Transportation Secretary Jaime J. Bautista na batay sa isang pag-aaral, nasa 170,000 motorsiklo ang gumagamit ng EDSA araw-araw.
Ibinunyag rin ng kalihim na mayroon na umanong ginagawang pagtalakay sa isyu sa pagitan ng DoTr at ng Metropolitan Manila Development Authority sa pagkakaroon ng dedicated lane para sa mga motorsiklo sa kahabaan ng major thoroughfare.
Sa pamamagitan ng motorcyle lane sa EDSA, layunin din ng gobyerno na tugunan ang economic cost ng traffic, ayon pa sa transport chief.
Binanggit din ni Bautista ang pag-aaral noong 2012 ng Japan International Cooperation Agency, na nagsasaad na ang economic cost ng traffic ay P2.4 bilyon kada araw sa Metro Manila.
Noong 2017, ang economic cost ay umabot sa P3.5 bilyon sa isang araw, habang ang pinakahuling pag-aaral noong 2022 ay nagpapahiwatig na ang economic losses dahil sa traffic ay P4.9 bilyon sa isang araw. Inaasahan ng JICA na lolobo pa ito sa P9 billion sa isang araw sa taong 2030.
