
Inihayag ng Bureau of Jail Management and Penology na dumarami na umano ang nagkakasakit sa mga bilanggo sa mga piitan sa Pilipinas dahil umano sa tindi ng init na nararanasan sa ngayon.
Sinabi ni BJMP jail director Raul Rivera na ilan sa mga sakit na tumatama sa naturang mga persons deprived of liberty ay sore eyes at mga skin diseases tulad ng pigsa.
Batay sa kanilang datos, aabot na sa humigit-kumulang 100 kaso na ang kanilang naitala sa National Capital Region habang may tig-iisang kaso din ang napaulat sa iba pang mga rehiyon.
Pero nilinaw pa rin ni Rivera na nananatili pa rin silang nakahanda ukol dito at kasalukuyan na aniya nila itong inaagapan para hindi kumalat at hindi magkahawaan ang mga preso sa naturang mga piitan.
Kaugnay nito ay nagsagawa na rin aniya sila ng improvement sa ventilation sa mga jail cells sa pamamagitan ng pagdagdag pa ng mga ceiling fan at industrial fan, gayundin ang paglalagay pa ng mga ventilation shafts.
Bukod dito ay hindi na rin umano pinagbibilad sa araw ang mga PDL at bagkus ay sa mga shaded area na lamang pinapupunta ang mga ito upang makalanghap pa rin ng sariwang hangin.
Samantala, sa kabila nito ay tiniyak naman ng opisyal na wala pa naman silang kinakaharap na problem sa ngayon pagdating naman sa distribusyon ng tubig sa mga bilanggo.