Wanted na mangingisda natiklo na

Nahuli na ng mga otoridad ang isang mangingisda na wanted umano matapos tangkang patayin ang kaniyang kapitbahay na ninakawan siya umano sa San Mateo, Rizal matapos nitong magtago ng dalawang buwan sa Bacoor, Cavite.
Ayon sa mga ulat, nahanap ng Quezon City Police District ang 33-anyos na suspek na may warrant of arrest para sa kasong attempted murder.
Nobyembre noong nakaraang taon nang mangyari ang krimen sa San Mateo, kung saan sugatan ang kapitbahay ng lalaki at ayon sa pulisya, nagawa ng suspek ang krimen matapos siyang nakawan ng biktima ng P1,500.
Ngunit tumanggi ang suspek na nagtago siya, at wala rin siyang alam na may warrant laban sa kaniya.
Gayunman, inamin niyang sinaksak niya ang kaniyang kapitbahay.
“Ninakawan po ako noong time na ‘yun. Tapos ilang linggo ko siyang pinagbibigyan ako kahit pakonti-konti, hindi niya ako binayaran,” sabi ng suspek.
