Nagnakaw sa karinderya tinutugis

Isang lalaki ang subject ngayon ng isang manhunt matapos mabisto na ninakawan nito ang dati niyang pinagtrabahuhang karinderya sa Sampaloc, Maynila kung saan tinanggal siya dahil sa pangungupit.
Kinilala ang suspek na si Johari Buat na nag-sideline umano sa karinderya ng dalawang linggo.
Ayon sa mga ulat, nakatangay ang suspek ng higit P400,000 na halaga ng pera at alahas. Kita umano sa CCTV ang pagpupumilit ng isang lalaki na buksan ang sarado nang karinderya sa lugar.
Ilang saglit pa, sa gilid ng establisyimento siya pumunta bago pumasok doon at nang makapasok, hinalungkat ng lalaki ang kaha, ngunit wala siyang nakuha kaya siya umakyat sa ikalawang palapag kung saan namamalagi ang may-ari at dalawang stay-in na trabahador.
Hindi na nakunan pa ng CCTV ang mga sumunod na pangyayari dahil pinutol ng lalaki ang kawad ng CCTV pero sa kuha ng CCTV ng barangay, makikitang paalis na ang lalaki sa lugar dala-dala ang isang plastic.
Ayon sa may-ari ng karinderya, na kagagaling lang noon sa probinsya, nagulat siya nang matuklasang sira na ang lock ng pinto ng kuwarto.
Nasa P50,000 ang natangay ng salarin habang halos P400,000 ang kabuuang halaga ng mga alahas at relo. Ninakaw din ng suspek pati cellphone at pera ng dalawang stay-in na empleyado. Naiulat na ang krimen sa Manila Police District Station 4.
Patuloy na tinutugis si Buat, na may apat pang establisyimento na ninakawan sa Quiapo.
