SIYAM NA MANGINGISDA, NAWAWALA

Inihayag ng Office of Civil Defense sa Bicol region nitong Linggo na nasa siyam na mangingisda mula Catanduanes ang nawawala at apat umano sa mga nawawala ay galing Viga, Catanduanes na pumalaot noong Disyembre 20 at hanggang ngayo'y hindi pa nakakauwi.
Ayon sa OCD Bicol, ang mga nawawala mula sa Viga ay sina Ringo Tupig, Willy Uchi, Jobert Teano at Juanito Estreela Jr. habang ang natitirang mangingisda ay mga residente naman ng Virac at patuloy ring hinahanap ngayon.
Ayon kay Mark Joseph Matira, disaster officer ng Virac, tatlong bangka ang magkahiwalay na pumalaot.
Bandang ala-1 ng madaling araw noong Disyembre 22 nang pumalaot ang bangka nina Arnel Araojo at Normal Lim pero napadpad noong Sabado sa bayan ng Rapu-rapu, Albay si Lim, na nasa maayos na kalagayan.
Noong hapon ng parehong araw, pumalaot naman ang mga bangkang sakay sina Noel Zafe at Dante David, Domingo Borilla at Jason Mandasoc.
Ayon sa OCD, may gale warning umano nang pumalaot ang mga mangingisdang ito at hindi rin umano makapagsagawa ng rescue operation ang mga awtoridad dahil patuloy ang malakas na alon at pag-iral ng gale warning.
Samantala, nailigtas ang ilang mangingisda matapos tumaob ang sinasakyan nilang bangka sa laot sa Palapag, Northern Samar.
Ayon sa Palapag MDRRMO, ang unang bangkang lumubog ay may sakay na dalawang mangingisda na residente ng Barangay Mapno at ang isa namang bangka ay may sakay rin na dalawang mangingisda mula Barangay Monbon.
Ang mga mangingisda ay pumalaot nitong Huwebes kung kailan maganda pa ang panahon.
Habang nasa karagatan, hinampas ang mga bangka ng malalaking alon. Agad nasaklolohan ng kapwa mangingisda para makabalik sa dalampasigan.
Mayroong tatlong mangingisda pa mula sa Barangay Mapno sa nasabing bayan ang patuloy na minomonitor dahil hindi pa nakakabalik matapos na magpalaot umaga nitong Huwebes.







