SUBSCRIBE NOW SUPPORT US

Kontrobersyal na celebrities ngayon taon

Kontrobersyal na celebrities ngayon taon
Published on

Maraming Pinoy celebrities ang naging makulay at masalimuot ang buhay nitong taon — mula sa mga balitang pagpapakasal at pagkakaroon ng mga anak, mga pag-iibigang humantong sa dulo, at mga hindi inaasahang laban na kailangang kaharapin, marami sa mga celebrities ang talagang nagtrending ngayong taon.

Ito ang ilan sa mga nagtrending at pinag-usapan nitong taon.

ZEINAB HARAKE
Hindi rin nakaligtas sa mga mata ng mga netizens ang isa sa mga most followed social media influencer noong October matapos maglabas ng video post ng talent manager na si Wilbert Tolentino sa tila "pagtraydor" daw sa kanya ng una.

Bukod sa isa sa mga maituturing ma pinag-uaapang isyu sa pagitan nila ng talent manager, naging usap-usapan rin ang makulay na love life niya.

Mayo 2022 nga nang pumutok ang balitang hiwalay na sila ng Ex-Battalion member na si Skusta Clee na ayon sa kanya'y nagloko habang ipinagbubuntis niya ang dapat ikalawang anak nilang si Baby Moon.

Sa kasamaang palad ay nakunan si Zeinab at namatay ang anak marahil na rin sa stress at anxiety na kanyang pinagdaraanan.

Sa kabila ng mga pinagdaanang isyu ay nananatili namang matatag ang social media influencer para sa dalawang anak na si Lucas at Bia.

AJ RAVAL
Samantala, hanggang ngayon ay hindi pa rin namamatay ang isyu patungkol sa diumano'y magbubuntis ng sexy star na si AJ Raval kung saan Hulyo nitong taon nang unang pumutok ang balita na buntis raw ang aktres matapos itong kumpirmahin ng kolumnistang si Cristy Fermin.

Bagamat ilang beses na niya itong idinenay ay marami pa rin sa mga netizens ang hindi kumbinsido.

At nito nga lang Nobyembre nang iulat ni Ogie Diaz na diumano'y nanganak raw sa isang payak na ospital sa Pasig ang aktres at namataan pa nga raw na nag-aantay ang aktor at "ama" raw ng baby ni AJ na si Aljur Abrenica.

Naging tahimik naman ang aktres ukol sa isyu ngunit kasabay nito ay ang pagpo-post niya ng mga larawan kung saan makikitang flat ang kanyang tiyan.

MAINE MENDOZA

Muling naungkat ang dating isyu ng "Eat Bulaga" host na si Maine Mendoza matapos ang kanyang naging interview kay Ogie Diaz noong November 2022 kung saan napag-usapan nila ang AlDub, ang tawag sa tambalan nila noon ng Kapuso actor na si Alden Richards.

Nabanggit kasi niya sa panayam na hanggang ngayon ay marami pa rin ang naniniwalang may "something" sa kanila ng dating ka-love team kahit na ilang buwan na silang magkarelasyong ng kanyang fiancé na si Arjo Atayde.

May mga nagsasabi raw kasi na ikinasal na noon pa mang sina Maine at Alden at may kambal itong mga anak at pinanghahawakan pa rin ito ng ilang mga die hard AlDub supporters kahit na pinabulaanan na niya ito.

At dahil nga muling natalakay ang isyu ay marami sa AlDub supporters ang nagkondena sa naturang interview at pilit na sinasabing mayroon pa ring AlDub.

Pero nitong buwan lang nang i-celebrate nina Arjo at Maine ang kanilang 4th anniversary together.

BARBIE IMPERIAL
Bukod sa makulay na love life ng Kapamilya star na si Barbie Imperial ay naging maingay ang pangalan nito matapos masangkot sa isang diumano'y panunugod sa Viva sexy star na si Debbie Garcia noong October 2022 sa isang bar sa Quezon City na nag-ugat raw ng dahil sa selos.

Nauwi pa nga ang insidente sa demandahan matapos magsampa ng reklamo ni Debbie laban kay Barbie dahil sa tinamo nito nang sugurin siya ng dalaga.

Nitong buwan lang rin ng finally ay magsalita na si Barbie tungkol sa isyu matapos ang ilang linggong pananahimik.

Aniya, naka-move on na siya sa isyu at minabuti na lang na huwag magsalita lalo na't idinaan na sa legal na paraan ang kanilang hindi pagkakaintindihan.

KRIS AQUINO
Talagang sumuong sa matinding pagsubok ang Queen of All Media na si Kris Aquino ngayong taon sa aspeto ng kanyang kalusugan at lahat ng mga Marites ay sure na updated dito.

Matapos ang magandang balita kung saan ibinahagi niya na na-clear out na ang mga malulubhang sakit gaya ng diabetes at cancer noong Pebrero ay ang katakot-takot na series of tests ang pinagdaanan niya upang malaman kung ano ang lunas sa kanyang autoimmune disease.

Hindi rin siya pinatawad ng nakahahawang sakit na COVID-19 kung saan buong pamilya silang tinamaan noong Hunyo.

Sa ngayon ay nasa Amerika pa rin si Kris kasama ang mga anak na sina Josh at Bimb para sumailalim sa mga test na makapagpapagaling at makapagpapalakas muli sa kanya.

At kahit na mahirap at may iniindang sakit, walang laban ang hindi kakayanin ni Kris para makasama pa nang mas matagal ang mga minamahal na anak.

TONI GONZAGA
Isang rollercoaster ride naman ang naranasan ng Ultimate Multimedia Star na si Toni Gonzaga ngayong 2022 — mula sa araw ng kanyang pagho-host ng proclamation rally ng UniTeam hanggang sa pagiging ambassador ng Shopee kung saan talagang binoycott siya ng madlang pipol.

Sa kabila ng patuloy na pagkwestiyon sa kanya ng mga netizens patungkol sa pagiging "enabler" niya at ang kanyang patraydor diumano sa kanyang dating home network matapos ang pag-endorso niya kay Rep. Rodante Marcoleta, nanatili pa ring tahimik at tila wapakels ito sa mga negatibong komento sa kanya.

Nagkaroon pa nga ng "ungkatan ng past" dahil sa gigil sa kanya ng mga netizens ngunit tila mas naging abala na lang ito sa kanyang YouTube channel, talk show sa ALLTV, at MMFF 2022 film entry na "My Teacher".

logo
Daily Tribune
tribune.net.ph