
Ilang mga premyadong aktres ang umani ng tagumpay ngayong taon para sa kanilang mga natatanging pagganap at ang ilan ay nabigyan pa ng pagkilala sa iba't ibang international film festival.
Dito kasi napatunayan na pang-world class ang talento ng mga Pinoy at kayang-kayang makipagsabayan ng Pilipinas sa ibang bansa pagdating sa paggawa ng pelikula at teleserye.
KYLIE VERZOSA
Naiuwi ni Miss International 2016 at aktres na si Kylie Verzosa ang "Best Actress of the Year" mula sa Dubai International Arab Festival Awards (DIAFA).
'Yan ay para sa kanyang pagganap sa Philippine adaptation ng 2010 South Korean hit thriller na "The Housemaid."
Nangyari ang awards night noong November 4 sa Dubai Creek Harbour Marina sa United Arab Emirates.
Ibinandera pa ni Kylie ang memorable moment sa ilang posts sa Instagram at parehong may nakalagay sa caption na, "Dreams do come true."
Proud din niyang binanggit sa isang post na lubos niyang ikinararangal na muling irepresenta ang Pilipinas.
"Such an honor to represent you again (Philippine flag emoji) (white heart emoji)" saad ng dalaga.
Ang "The Housemaid" ay tungkol sa isang katulong na nasangkot sa "family affair" ng kanyang pinagsisilbihang mayamang pamilya.
Tampok rin sa pelikula sina Jaclyn Jose, Albert Martinez, Alma Moreno, at marami pang iba.
COLEEN GARCIA
Kinilala namang "Best Actress" si Coleen Garcia sa El Grito International Fantastic Film Festival na naganap sa bansang Venezuela.
Ang pagkilala kay Coleen ay para sa kanyang pagganap sa horror movie na "Kaluskos."
Ayon sa kanya, ang natanggap niyang panalo ay isang napakalaking karangalan.
ikinuwento naman ng direktor ng pelikula na si Direk Roman na nalaman niya ang magandang balita matapos makatanggap ng email mula sa film festival sa Venezuela.
Lahad sa screenshot post ng direktor, "The jury made up of Lina Duran (director of the Insolito Festival), Hernan Moyano (producer and director), and Cristian Jaramillo (director of the Fantasmagoria Festival) have awarded Coleen Garcia the best actress award."
"From the organization we want to congratulate you on these well- deserved recognitions, it is an honor to have had your participation and include your work in our catalog of winners," saad pa sa email ng film fest.
Ito na ang ikalawang international award na nakakuha ng pagkilala si Direk Roman para sa kanyang pelikula.
Una na riyan ang naiuwing "Best Actress of the Year" ng beauty queen-actress na si Kylie Verzosa mula sa Dubai International Arab Festival Awards (DIAFA).
JODI STA. MARIA
Itinanghal bilang "Best Actress" si Jodi Sta. Maria sa Asian Academy Awards na nangyari nitong December 9 sa Singapore.
Ang pagkilala kay Jodi ay dahil sa kanyang pagganap sa teleseryeng "The Broken Marriage Vow," isang Philippine adaptation mula sa British series na may titulong "Doctor Foster."
Perosnal na tinanggap ni Jodi ang kanyang award at ayon sa kanya, ito ang highlight ng kanyang career.
Sey niya sa kanyang speech, "I will always say that it takes a privilege to be able to produce a wonderful series. Again, thank you because [this is] the highlight of my career. Thank you, thank you. God I give you back all the glory and praise. Thank you!"
Hindi ito ang unang beses na may napalanunan sa ibang bansa ang "The Broken Marriage Vow" dahil naiuwi rin nito ang "Best Format Adaptation (Scripted)" sa ContentAsia Awards 2022 na naganap sa Bangkok, Thailand noong Agosto.