Batangas port, dinagsa ng pasahero

Dinagsa na ng mga pasahero ang Batangas Port Passenger Terminal pauwi sa island provinces dalawang araw bago mag-Pasko at talagang mahaba ang pila at siksikan na rin sa mga ticketing booth. Halos hindi na rin makagalaw ito sa dami ng tao.
Marami ang nagmamadali na makauwi sa kanilang mahal sa buhay.
Pero ang pananabik na makapiling ang kanilang pamilya, napalitan pa ng init ng ulo dahil halos 5 oras na naistranded ang mga pasaherong patungong Caticlan.
Alas-9:30 na ng umaga sana ang biyahe pa-Caticlan pero dumating ang barko na kanilang sasakyan sa Batangas Port ng pasado alas-9 ng umaga.
Sabi ng Philippine Ports Authority, tinutulungan na ng shipping lines ang mga pasahero.
"Mayroon naman tayo na sinusunod na passenger bill of rights para sa mga kababayan natin na nastranded na wala naman sa kasalanan nila, so makikipag-ugnayan tayo sa mga shipping lines para at the very least mabigyan sila ng makakain," saad ni PPA general manager Atty. Jay Santiago.
Naipon din ang mga pasahero ng Fastcraft matapos makansela nitong umaga ng Biyernes ang biyahe dahil sa gale warning.
Malalakas ang alon kaya hindi pinayagan ng Philippine Coast Guard na makabiyahe ang mga Fastcraft pa-Calapan at Puerto Galera.
Dahil sa buhos na pagdating ng mga pasahero, marami ang nahihirapan nang bumili ng ticket.
Ilang oras din ang titiisin ng mga uuwi na may dalang sasakyan dahil mahaba na rin ang pila papasok ng Batangas Port.
Nasa 13 barko ang naglalayag mula Batangas Port kaya naaantala ang biyahe ng mga pasahero kapag peak season.
Ang solusyon ng PPA: dagdagan pa ang barko at pabilisin ang kanilang biyahe.
Nagpaalala rin ang PPA na huwag munang mag-uwi ng pork products, partikular na sa Mimaropa dahil sa banta ng African swine fever.
