Senior citizen, nalunod sa baha

Iniulat ng mga otoridad ang pagkasawi ng isang senior citizen na lalaki na pinaniniwalaang nalunod sa baha sa kasagsagan ng malakas na ulan sa Guihulngan City, Negros Oriental gabi ng Miyerkoles, kung saan daan-daang pamilya rin ang inilikas dahil sa baha.
Ayon sa pulisya, posibleng nalunod ang lalaking senior citizen dahil sa malakas na agos ng tubig sa Bateria River sa gitna ng pagbuhos ng ulan at batay sa imbestigasyon, naglalakad ang lalaki sa river dike nang aksidente umanong mahulog sa ilog.
Nadala sa ospital ang lalaki pero idineklara ring dead on arrival.
Higit 200 pamilya ang naapektuhan ng pagbaha dahil sa malakas na buhos ng ulan sa lungsod.
Kabilang sa mga naapektuhan ang mga pamilya mula sa mga sitio ng Larena, Taytayan at Bukana.
Ayon sa lokal na pamahalaan, nananatili sa temporary shelter sa gymnasium ng lungsod ang ilang pamilya habang may ilang nagsiuwian na sa kanilang mga bahay.
Inihahanda na ang cash at food packs para sa mga inilikas.
Samantala, umapaw rin ang ilang ilog at pinasok ng baha ang ilang bahay sa bayan ng Ginatilan, Cebu dahil sa buhos ng ulan.
Ayon sa PAGASA, ang naranasang malakas na ulan ay dulot ng low pressure area malapit sa Davao City at Surigao del Sur.
