Kylie Verzosa, pinaalalahanan

May mga netizens ang pumansin sa umano'y pagkaka-link ng aktres at beauty queen na si Kylie Verzosa sa aktor na si Jake Ejercito at ang ilan pa nga ay nagbigay ng payo sa dalaga.
Naispatan kasi ang dalawa na sweet and close sa naging Christmas party ng Dreamscape Productions na ginanap nitong Sabado, December 17 at nakunan pa ni Kim Chiu ng video ang tagpo habang kumakanta sila Kylie at Jake na ipinost nito sa kanyang Instagram Story.
Sa video ay makikitang inakbayan ni Jake ang kinikilig na si Kylie habang sumisigaw ang aktres ng "Stop it. Stop it." Base sa background noise ay kinikilig din ang mga nanonood sa kanila.
"We go for Jake and Kylie," pahayag pa ni Kim sa inilagay n'yang text sa nasabing video.
Tila pagpapahayag n'ya ito ng suporta sa dalawa kung sakaling mauwi ang mga ito sa pagiging magkasintahan.
Na-pick up din ang video'ng ito at ini-repost ng admin ng Instagram fan page ni Jake. Pabiro pang kinastigo ng admin ang kilig at sweetness ng kitang-kita sa dalawa.
"Ano na naman to Jakey! Ms Kylie alam namin may korona ka pero mahaba po pila," pabirong pahayag ng admin sa inilagay n'yang caption.
Bumuhos din sa comment section ang iba't ibang reaction ng netizens dahil nga rare interaction na ito nina Kylie at Jake, na at present ay kapwa single.
May isa namang nagbiro at sinabing quota na umano ang aktres sa mga lalaking nagngangalang Jake.
Sa ngayon ay wala pang paglilinaw sina Kylie at Jake Ejercito kung may namumuo nga bang pagtitinginan sa pagitan nilang dalawa.
