Angel Guardian, nagwagi

Itinanghal na kauna-unahang Ultimate Runner ng hit reality game show na "Running Man Philippines" ng GMA 7 ang aktres na si Angel Guardian matapos ang 32 episodes at mahigit 45 days na pananatili sa South Korea.
Pinangalanang grand winner si Angel sa Pinoy version ng nasabing Korean reality competition at tinalo ng dalaga ang mga kapwa runners na sina Glaiza de Castro, Ruru Madrid, Buboy Villar, Lexi Gonzales, Kokoy de Santos at Mikael Daez.
"Maraming nangyari. Pero happy ako, happy ako for this," ani Angel nang tanggapin ang golden necklace bilang Ultimate Runner ng season 1 ng "Running Man PH."
"Feeling ko naman, ginawa ko 'yung best ko to deserve this," aniya pa.
Napanood ang ultimate battle ng mga runners last Sunday, December 18, kung saan naglaban-laban ang lahat gamit ang kani-kanilang "superpower cards."
Lahat ng runners, tinarget si Boss G (Glaiza) dahil tatlo pa ang buhay niya o ang kapangyarihang muling sumali sa name tag race ng tatlong beses.
Ngunit sa kabila nito, natanggal rin si Glaiza kasama ang mga lalaking runners na sina Mikael, Buboy at Ruru.
Sa final round, sina Lexi at Angel nga ang huling nagbardagulan pagkatapos gamitin nang una ang kanyang "death note power" para tuluyan nang mapatalsik si Kokoy.
At sa ending nga, nakuha ni Angel ang titulo bilang Ultimate Runner. Sa Instagram post ng aktres, sinabi nitong nasa cloud 9 pa rin siya hanggang ngayon at hindi makapaniwala sa kanyang pagkapanalo.
"To my co-mananakbos i just wanna say na love na love ko kayo and grateful ako sa inyo–the family that's been built during the making of RMPH is incomparable," ang caption ni Angel sa kanyang Instagram Reel.
"I never thought na magiging ganito kasaya at ka tight ang samahan natin. Salamat Runners!! At salamat sa lahat ng sumuporta at nagtiwala! Mahal namin kayo!!" dagdag pa niya.
