Higit P7 bilyong ilegal na droga, sinunog
Inihayag ng Philippine Drug Enforcement Agency na nasa P7.27 bilyong halaga ng droga ang sinira nitong Martes ng mga awtoridad sa Trece Martires City, Cavite na nakuha sa anti-illegal drug operations ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) pati ng ibang law enforcement agency at military unit.
Pinakamarami umano rito ang shabu na nasa P7.21 bilyon, sunod ang marijuana na nagkakahalagang P38 milyon at cocaine na P1.2 milyon.
Pinangunahan ni bagong upong PDEA Director General Moro Virgilio Lazo ang aktibidad, na dinaluhan din ni Dangerous Drugs Board Chairman Catalino Cuy at ayon sa kanya, sinusubukang gawin ang pagsira sa mga nakukumpiskang droga kada tatlong buwan pero hindi kinakaya.
"Talagang hindi makaya. Factor din sa amin ang galing sa ilang law enforcement agencies and court orders," saad ni Lazo.
Muling iginiit ni Lazo na "isolated case" lang ang pagkakadawit sa droga ng hepe ng PDEA Southern District Office pati ng ilang ahente nito.
Na-reassign na ang lahat ng mga tauhan sa Southern District Office, ayon kay Lazo.
