Pagkamatay ng pamilya sa sunog, iimbestigahan
Nagsimula na ang imbestigasyon kaugnay sa pagkamatay ng 10 magkakamag-anak sa isang sunog sa Barangay Putatan, Muntinlupa nitong Linggo, ayon kay Senior Fire Officer 4 Roy Arbis ng Intelligence and Investigation Unit ng Bureau of Fire Protection (BFP).
Ayon kay Arbis, nirespondehan na nila kaagad ang nangyaring sunod bago pa man ito maitawag sa kanila.
"Nangyari po ang sunog, nag-umpisa po ito ng 8:56 (a.m.). Actually po, wala pa pong tawag sa aming istasyon, natanaw po namin ang makapal na usok na nanggagaling po sa Putatan. Kasi ang amin pong istasyon sa Muntinlupa ay mataas," sabi ni Arbis.
"Kaya nakita po namin ang makapal na usok. Wala pa pong tawag samin, pinaresponde na po ng aming hepe, na Si Col. Eugen Briones, ang aming mga fire truck para i-verify kung ano yung usok na makapal na yon," dagdag niya
"Isinagawa po agad-agad ng mga tropa natin ang pagpatay ng sunog, yung firefighting operations at wala pa pong isang oras ay naapula naman po nila talaga yung apoy."
Pero ayon sa kanya, malaki talaga ang naging sunog sa lugar.
Ayon kay Arbis, nanggaling umano sa Misa de Gallo ang mga biktima kaya natutulog pa ang ilan sa mga ito, base sa kuwento ng mga kapitbahay.
"Ang mga nakalap po naming mga detalye o mga balita, sa mga kapitbahay, nanggaling daw po ang pamilya sa pagsisimba."
Dagdag niya, natagpuan sa iba-ibang posisyon ang mga biktima nang makuha ang mga bangkay nila.
"Hindi po natin malaman, kasi pong, yung ating mga victims, ay iba-iba po yung kanilang mga posisyon. Meron pong, halimbawa parang natutulog pa. Or nagpapahinga. Ganoon po ang nakita namin sa mga positions ng mga body nila.
Patuloy ang paalaala ng BFP sa publiko na mag-ingat sa paggamit ng mga appliances para makaiwas sa sunog.
Nagpapaalaala lang po kami sa Bureau of Fire Protection na maging maingat sa paggamit ng mga appliances.
