
Inamin ng aktres na si Nadine Lustre na pipilitin umano ng French businessman boyfriend n'yang si Christophé Bariou na panoorin ang horror movie niya na Deleter na kalahok sa papalapit ng Metro Manila Film Festival (MMFF) sa December 25.
Ayon sa aktres, bagama't wala daw kahilig-hilig sa mga nakakatakot na pelikula si Christophé ay manonood ito bilang pagsuporta sa kanya.
"Hindi s'ya mahilig sa horror movies pero sabi n'ya manonood daw s'ya for me," sabi ng dalaga.
S'ya nga daw ang mas mahilig at sanay manood ng mga horror films kesa sa kanyang boyfriend kaya sigurado daw s'ya na talagang matatakot ito sa pelikula nila.
"Sa tingin ko matatakot s'ya. Pag gusto ko manood ng horror movie, ayaw n'ya. So, alam kong ayaw n'ya talaga pero tatapangan daw n'ya 'yong sarili n'ya para manood sa sinehan," dagdag pa ni Nadine.
S'yempre, ibang experience nga naman daw kapag sa sinehan pinanood ang isang movie lalo na kung ito ay nakakatakot.
"Iba din kasi pag sa sinehan mo mapapanood ang horror movie, e, kesa sa TV lang. Iba sa pakiramdam kasi 'yong audio, 'yong surround sound… Iba po talaga ang pakiramdam pag sa sinehan. So, I'm sure matatakot s'ya," saad ng dalaga.
Kasama ni Nadine sa pinagbibidahan n'yang horror movie sina Jeffrey Hidalgo, McCoy de Leon, at Louise delos Reyes.
Mapapanood ang Deleter, ang nag-iisang horror movie entry sa MMFF, simula sa araw ng Pasko, December 25, sa mga sinehan nationwide.