
Nagbalik-tanaw ang aktres na si Yasmien Kurdi sa mga ginawa niyang mga paraan noon upang makapasok sa mundo ng showbiz.
Ayon sa aktres, nagpabalik-balik pa raw siya sa paglalakad sa harap ng GMA Network sa pagbabakasakaling may makapansin sa kaniya at kunin siyang mag-artista dahil aminado siyang bata pa lamang siya ay pangarap na niyang mag-artista.
"Ginagaya ko 'yung mga dialogue. Lagi akong humaharap sa salamin noong eight years old ako, gagayahin ko 'yung dialogue nila with matching luha luha pa 'yan," kuwento ni Yasmien.
"Nakatira kasi ako during that time sa Kuwait noong bata ako, laging sinasabi sa akin ng mga OFW na 'Ang gandang bata. Pag-uwi mo sa Pilipinas mag-artista ka'," dagdag ng aktres tungkol sa laging sinasabi sa kaniya ng mga Pinoy doon.
Tumatak ito sa isipan ni Yasmien kaya naman pag-uwi sa Pilipinas, itinuloy na niya ang pag-aartista. Sumalang siya sa mga audition, modelling, at commercial.
Isa sa mga balak niyang pasukan ang Kapuso Network.
"Sa GMA, ang ginagawa ko po naglalakad ako sa harap ng GMA. Cross ako nang cross sa pedestrian road, cross ako, cross na naman ako pabalik na naman, tina-try kong [mapansin]. Sabi ko, baka may taga-GMA, ma-discover nila ako tapos kunin nila ako bilang artista," kuwento ng Start-Up PH actress.
"Narealize ko, hindi naman pala gano'n ang paraan para mag-artista ka. Kailangan talaga mag-audition ka nang maayos. Hindi naman pwede 'yung maglalakad ka doon," sabi ni Yasmien.
Bukod rito, pumipila rin siya ng 5 a.m. sa Eat Bulaga para makapasok sa studio.
"Pinaakyat nila ako sa stage, so ako naman tuwang tuwa ako. 'Hala pinaakyat ako dito…' Ginamit lang pala ako pang-adjust ng camera. Sabi ko 'Sana ma-discover na nila ako sabihin nila 'Pwede ka bang maging artista?' Hindi naman nila ako tinanong," saad ni Yasmien.
Kamuntikan ding sumuko si Yasmien sa kaniyang pangarap, dahil nakakasama siya noon sa final casting pero hindi nakukuha.
"'Yung hirap, pagod, gastos, lahat, para lang makuha mo 'yung project, tapos hindi mo rin pala makukuha at the end. So talagang masakit," sabi niya.