Pagsisimula ng Simbang Gabi, naging maayos

Photo by Joey Sanchez Mendoza
Inihayag ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na naging mataimtim ang pagsalubong ng Simbang Gabi sa Metro Manila nitong Biyernes ngayong mas niluwagan na ang COVID-19 protocols.
Ayon kay NCRPO spokesperson Lt. Col. Dexter Versola, wala pa umano silang natatanggap na significant incident na may kaugnayan sa pagbubukas ng Simbang Gabi.
Sa Baclaran Church, mas hinigpitan ang seguridad, lalo't inaasahan na 3,000 hanggang 5,000 pasahero ang magsisimba rito araw-araw at nagronda rin sakay ng motorsiklo ang ilang NCRPO officer.
Sa tantiya naman ng Manila Police District, nasa 2,500 katao ang dumalo sa misa sa Quiapo Church.
"Sinuguro natin na yung plano nating deployment ay na-implement nang maayos at yung maximum police visibility yun po ang gusto nating ipatupad dito," saad ni MPD director Brig. Gen. Andre Dizon.
Dagdag pa niya, mag-ingat dapat ang publiko.
"Hininikayat po natin ang ating mga kababayan na manatiling maingat sa pagpunta nila sa simbahan. Bagama't tayo ay magdarasal, i-secure pa rin po natin ang ating mga sarili. Pati na po yung mga tahanan na ating iiwanan 'pag pupunta na po tayo sa Simbang Gabi, siguraduhin natin na ito ay secured at hindi ito mapapasok ng masamang elemento," sabi ni Dizon.
Aabot sa 800 pulis ang ipinakalat sa 61 simbahan sa Metro Manila na naka-full alert hanggang Bagong Taon.
