
Abot-langit ang pag-aalala ng aktres na si Carmi Martin sa kinakaharap na kaso ng kaibigan niyang si Roderick Paulate na kamakailan ay hinatulan ng "guilty" ng Sandiganbayan para sa mga kasong graft at falsification of public documents.
Ang nasabing kaso ay may kaugnayan noong nanunungkulan pa siya bilang konsehal ng Quezon City dahil sa umano'y pagkuha niya ng 30 ghost employees mula July hanggang November, 2010.
Anim at walong taon hanggang 62 taong pagkakakulong ang naging sentensiya kay Roderick.
Saad ni Carmi, talagang pinilit niyang pagaanin ang loob ng beteranong aktor.
"I told him, 'Dick, alam ko naba-bother ka dito. I pray na malampasan mo ito. Pinagpe-pray kita.' Kasi, pareho na kaming may maintenance. Kaedad ko yan, magsi-sixty na rin iyan. So, alam ko kung paano naba-bother yan. And I feel that na-victimize siya. Na alam mo yun, sabi ko, 'Ang dami nga diyang big fish, bakit hindi nahuhuli?!'" saad ni Carmi.
Ayon kay Carmi, hindi pa sila nagkakausap uli ni Roderick matapos mabalita ang naging hatol ng Sandiganbayan sa aktor.
"Hindi, e. Parang, noong una, tinext ko siya. I don't know if he changed this cell number, hindi sumagot. Pero nu'ng nag-send ako sa Messenger, doon sumagot. Sabi niya, 'I believe in prayers,' ganun. Sinabi ko, 'Masyado akong concerned sa health mo.' Nakakalungkot naman talaga. Napakaganda ng ano, napakaganda ng pangalan ni Roderick as an actor. He is an icon, di ba? Mula bata, di ba? Tapos du'n ka pa mabiktima," pakikisimpatya ni Carmi sa veteran comedian.