
Inihayag ng aktres na si Nadine Lustre ang kanyang paghanga sa katatagan ng loob ng mga online content moderators, subalit hindi daw n'ya nakikita ang kanyang sarili na papasukin ang ganitong ng trabaho sakaling hindi siya naging artista.
Sa isang panayam, sinabi ng aktres na mahirap ang trabaho ng mga online content moderators na siya niyang ginampanan sa pelikulang Deleter na kalahok ngayong taon sa paparating na Metro Manila Film Festival (MMFF).
Nang matanong kung hindi s'ya naging artista at dumating ang chance para makapagtrabaho s'ya bilang online content moderator ay papasukin ba n'ya ito, sinabi ni Nadine na hindi niya ito gagawin.
Para sa mga hindi nakakaalam, ang mga online content moderators kasi ang sumasala sa mga graphic photos and videos and other online materials na nakikita ng audience sa isang website o social media platforms.
At ayon kay Deleter director Mikhail Red, ang Pilipinas ang tila nagiging content moderator capital of the world dahil ina-outsource tayo ng ibang bansa.
P'wedeng maging stressful ang trabahong ito dahil kailangan nila ng mabilisang desisyon kung appropriate ba ang isang content o bina-violate nito ang terms of service o patakaran ng isang site.
Bukod pa doon, kailangan nilang maialis agad ang mga disturbing photos and videos bago pa ito kumalat at mapanood ng publiko. Kaya naman babad sila sa mga disturbing online materials.
"Kaya nga po sinasabi ko na iba 'yong lakas ng loob ng mga content moderators and nakaka-bilib po sila. As in, saludo po ako sa kanila kasi ang hirap po talaga n'yan," saad ni Nadine.
Madali daw kasi s'yang maapektuhan sa mga videos na napapanood n'ya.
"Ako nga po, ano lang, e, kahit animal lang na makita kong may sugat [sa social media], hindi ko na po kinakaya. Naaapektuhan na po ako, napi-feel bad na po ako," dagdag pa niya.