DoH, may paalala ngayong Kapaskuhan

Nagpaalala ang Department of Health (DoH) nitong Martes na kailangang panatilihin ang kaligtasan ng lahat laban sa COVID-19 lalo na ngayong tiyak na ang kaliwa't kanang Christmas party at pagtitipon pati ang gitgitan ng mga tao sa mall para makapag-shopping.
"Sana gawin ang parties sa open space. Kung sa kulob na lugar, buksan ang mga bintana at pinto para mag-circulate 'yong air sa room. Siguraduhin na lahat ng a-attend, walang sintomas. If you know you've been exposed or may symptoms, 'wag na mag-attend," saad ni DoH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire.
Dagdag niya, mahalaga umano itong matandaan ng mga tao ngayong nakikita ang bahagyang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa iba-ibang bahagi ng Pilipinas habang nananatili namang mababa ang porsiyento ng mga okupadong kama sa mga ospital.
Saad pa ng opisyal, dapat na patuloy na nag-iingat ang mga tao, lalo't nakikita rin ngayon ang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa China kasunod ng mga protesta kontra sa mahigpit na protocols.
Ayon kay Vergeire, habang patuloy na kumakalat ang sakit, lalong nagkakaroon ng tsansang mag-mutate ang virus na posibleng maging sanhi ng panibagong variant.
"We've experienced a lot of variants already. But still we have our cases manageable in the country because we are more prepared than before. More of our people are vaccinated, more still opt to wear the mask and that is good for us," saad ni Vergeire.
Dahil mas handa na ang bansa na rumesponde sa COVID-19 at maraming Pinoy na ang bakunado, hindi na kailangang mag-panic, ayon sa DoH.
Sa katunayan, sa mga susunod na buwan ay nais na umanong paghiwalayin ang alert level system at mga restriction na kaakibat nito.
"If we decouple these restrictions, we'll be able to have that sense of normalcy," sabi ni Vergeire.
