
Aminado ang aktres na si Barbie Forteza na isa umano sa mga dahilan ng pag-aaway o hindi pagkakaunawaan nila ng boyfriend niyang si Jak Roberto ay ang pagmomotorsiklo ng aktor.
Alam ng kanilang mga kaibigan at tagasuporta na itinuturing ni Jak na prized possession ang kanyang mga motorsiklo kaya talagang alagang-alaga niya rin ang mga ito.
Inamin ni Barbie na hanggang ngayon ay nababahala at natatakot siya kapag nagmo-motor ang kanyang boyfriend.
Sa isang podcast, natanong sila kung ang kasiyahan ba ni Jak ay dahilan din ba ng pag-aaway nila ni Barbie?
"Oo nga, 'yun din ang tanong ko. Buti kahit paano Madam (tawag niya kay Barbie) pumapayag ka na?"
Tugon ni Barbie, "Ang tanong, may choice ba?" Na sinagot ni Jak ng, "Meron naman. Kaya nagpapaalam nga, eh."
Dito na nga nabanggit ng aktres na nagiging sanhi rin ito ng pag-aaway nila at ayon sa dalaga ay nag-aalala lamang siya sa kaligtasan ng kanyang boyfriend habang nagmomotorsiklo.
"Minsan may mga sinasabi 'yan, 'Mas madaling mag-sorry kaysa magpaalam,' kaya ginagawa niya muna tapos nagso-sorry na lang siya after," saad ni Barbie.