Andrea Brillantes, gagawa ng serye?

May mga kumakalat na balita ngayon na ang aktres na si Andrea Brillantes ang bibida umano sa remake ng fantasy-drama series na "Dyesebel" kung saan magsisimula na umano ang shooting nito next year.
Ito rin umano ang ipapalit ng ABS-CBN sa "Mars Ravelo's Darna" na pinagbibidahan nina Jane de Leon, Janella Salvador at Joshua Garcia.
Ang "Dyesebel" ay likha ni Mars Ravelo na siya ring nasa likod ng "Darna", "Captain Barbell" at "Lastikman."
Ang huling gumanap na Dyesebel ay si Anne Curtis na umere sa Kapamilya Network noong 2014. Nakasama niya rito sina Gerald Anderson at Sam Milby.
Ayon pa sa mga balita, swak umanong mag-Dyesebel si Andrea dahil marunong itong lumangoy at magaling ding sumisid.
At base sa ilang Instagram photos ni Andrea ay praktisado na ito sa paglangoy at pagsisid dahil sa kanyang regular swimming sessions.
Sa ngayon ay wala pang official statement ang ABS-CBN kung matutuloy ba sa 2023 ang "Dyesebel" at kung si Andrea na nga ba ang bibida rito.
Matatandaang sa ilang panayam noon kay Andrea ay palagi niyang sinasabi na pangarap talaga niyang gumanap na sirena.
"Gusto ko talaga kasi nung bata ako, feeling ko sirena ako. Kinulang lang kasi ako sa buntot pero marunong akong lumangoy!" sabi ng dalaga.
