SUBSCRIBE NOW SUPPORT US

Jeep tinangay ng baha, walo patay

Jeep tinangay ng baha, walo patay
Published on

Walong katao ang namatay kasama ang isang menor de edad habang ilan naman ang nasugatan nang tangayin ng rumaragasang baha ang sinasakyan nilang jeep sa Barangay Sta. Ines sa Tanay, Rizal nitong Sabado ng gabi.

Ayon sa Tanay Municipal Police Station, nasawi ang pitong senior citizens at isang 5-taong-gulang na bata sa aksidente habang sugatan din at ginagamot sa ospital ang isang tao, na kinilalang asawa ng jeepney driver.

Sinabi ni Tanay, Rizal Municipal Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) chief Norberto Francisco Matienzo Jr. na galing sa town proper ang jeep at may sakay na 25 pasahero nang mangyari ang aksidente dakong 8:15 p.m.

Ayon sa ulat, tumatawid ang naturang jeep sa isa sa 15 ilog sa Tanay nang magka-aberya at kalaunan ay hinampas ng rumaragasang tubig sa ilog.

"According sa isa sa mga witnesses natin…nabalahaw daw 'yung kanilang sasakyan doon sa huling ilog na dapat sana, isang ilog na lang na malapit sa kanilang barangay," saad ni Matienzo.

"Ang problema, nabalahaw sila. Nagpabatak sila sa isang kapwa jeep but then ang nangyari, may biglang flash flood na dumating. So itong binabatak sana ay tumagilid at 'yun ang dahilan matangay o magka-injury ang mga tao," dagdag pa niya.

Dinala sa covered court ng Barangay Sta. Ines ang mga bangkay ng biktima.

Bago ang aksidente, sinabi rin ni Matienzo na nagtungo sa bayan ang mga biktima para humingi ng tulong pinansyal sa gobyerno o bumili ng mga personal na gamit.

Latest Stories

No stories found.
logo
Daily Tribune
tribune.net.ph