
Sumabak na sa pagte-taping ang komedyana at beauty queen na si Herlene Budol para sa romantic comedy series niya sa GMA na "Magandang Dilag."
Ayon kay Herlene, magkahalong nerbiyos at excitement ang nararamdaman niya ngayong tuloy na tuloy na ang "Magandang Dilag" at grabe raw ang kaba na napi-feel niya noong mga unang araw ng kanilang taping lalo na sa mga eksenang kailang maglapit ang mga mukha nila nina Benjamin at Rob.
"Nahihiya ako baka ang baho ng hininga ko. Nahihiya talaga ako. Kahit nag-toothbrush ako, naka-ilang bubble gum ako, naka-ilang spray ako sa bunganga ko noon, parang, hala, nakakahiya!" ang pag-amin ng komedyana.
Dagdag pa niyaitinuturing din niya isa sa mga biggest blessing ang "Magandang Dilag" na natanggap niya ngayong 2022 kaya hindi siya mapapagod na magpasalamat sa Diyos at sa GMA 7.
"Sobrang masaya ako na pinagkatiwalaan po nila ako para makasama po 'yung mga ganu'ng artista na talagang kahit sino sa kanila magpapasampal ako doon eh!" saad ng dalaga.
Natanong din si Herlene kung kumusta katrabaho ang mga kapwa niya Kapuso stars lalo na sina Benjamin at Rob.
"Sobrang galing nila. Parang sa backstage pa lang, parang in character na sila. Parang dapat pala ganu'n din ako," chika ng Binibining Pilipinas 2022 1st runner-up.
Makakasama rin sa launching project ng komedyana sina Sandy Andolong, Maxine Medina, Bianca Manalo, Angela Alarcon at marami pang iba.