Mga batang ibinubugaw, nasagip

Sinagip ng mga otoridad ang tatlong babae na nasa edad 13 at 15 na ibinubugaw umano sa mga dayuhan sa isinagawang operasyon sa Makati City habang naaresto naman ang dalawang bugaw.
Kinilala ng mga pulis ang suspek na sina Janel Dela Cruz at Katherine Sagun na naaresto matapos isagawa ang operasyon ng mga tauhan ng District Special Operations Unit ng Southern Police District.
Nasa pangangalaga na ng Department of Social Welfare and Development ang mga nasagip na menor de edad.
"Nakakalungkot po ito kasi napakabata po ng mga biktimang ito lalo na ang 13-years-old," saad ni Police Brigadier General Kirby John Kraft, hepe ng Southern Police District
Samantala, nagsasawa na rin ng follow-up operations ang pulisya laban sa iba pang kasama ng grupong sangkot sa child sex trafficking.
"Immediately po nagsasagawa tayo ng operasyon nang sa ganon po madakip o maaresto natin itong mga taong involve po dito," saad ni Kraft.
Sa ibang balita, nakuhanan sa CCTV camera ang rambulan ng 10 estudyante sa high school na nagkainitan umano sa Ilagan, Isabela kung saan pinagtulungang gulpihin ng walong estudyante ang dalawang mga kapwa estudyante na kabilang sa isa pang grupo.
Makikita pa sa camera ang isang lalaki na binuhat ang signage para ihampas sa kanilang kaaway, pero lalo siyang pinagtulungan habang isang estudyante ang nauntog sa salamin.
Walang mga guwardiya o tauhan ng Public Order and Safety Office sa lugar nang maganap ang insidente.
Wala nang naabutan ang mga awtoridad nang dumating sa lugar dahil nagpulasan umano kaagad ang mga estudyante matapos ang rambulan.
