
Inamin ng aktres na si Loisa Andalio na talagang nakaramdam sila ng kanyang BF na si Ronnie Alonte ng takot matapos silang mabiktima ng Basag-Kotse Gang nitong nakaraang buwan.
Ayon kay Ronnie, nanlalambot pa rin siya kapag naalala niya ang mga nangyari.
"Simula nung nangyari yun hanggang ngayon medyo nakakalambot pa rin," pag-amin ni Ronnie, sa sinang-ayunan naman ng dalaga.
Natunton pa ng magkasintahan kung saan dinala ang tatlong ninakaw na cellphone sa pamamagitan ng Find My iPhone location tracker.
"Totoo. Nakita namin yung phone namin ni Ronnie nasa Alabang na. Sa Festival Mall, yung bilihan ng cellphone, nandun na," sabi ni Loisa.
Agad nilang ini-report ang insidente sa Bacoor City Police, base na rin sa lumabas na ulat noon.
Pero hindi pa rin nakuntento ang Basag-Kotse Gang na iyon.
"Kagaya nung nabalitaan namin kinabukasan, may nambasag kotse na naman. Same ng nambasag [sa SUV namin], pero sa ibang lugar naman. Sila ulit. Sana mahuli na sila," giit ni Ronnie.
Sana raw ay mahuli na ang mga salarin.
"Para wala na silang mabiktima. Kasi nakakaawa sa iba. Grabe. Kasi iba rin yung trauma na mabibigay nila. Nakakatakot," sabi ni Loisa.