
Hindi na naitago ng dating VJ at model na si Kat Alano ang kanyang pagkadismaya matapos lumabas ang balita patungkol kay Vhong Navarro at ayon sa kanya ay feeling "broken" at "defeated" siya.
Nitong nakaraan kasi ay pinayagan na ang TV host-comedian na makapagpiyansa sa halagang isang milyon para sa pansamantala nitong kalayaan ukol sa kasong rape na isinampa ng modelong si Deniece Cornejo.
Sa kanyang Twitter account ay ibinahagi niya ang kanyang saloobin sa mga pangyayari.
"I feel sick. This is so wrong. It's all wrong. Bahala na kayo Pilipinas. You deserve what you asked for," saad ni Kat.
"Sana hindi mangyari sa inyo ito. It's a nightmare that keeps going. Evil wins," dagdag pa niya.
Sa hiwalay na tweet ay ibinahagi ni Kat na hindi siya tumitigil sa pag-iyak.
"I can't stop crying. I feel broken and defeated. Ayaw ko na talaga," sabi pa ni Kat.
Matatandaang noong 2014 nang ihayag ni Kat na may isang sikat na celebrity na diumano'y nang-rape at nandroga sa kanya. Bukod pa rito ay nagsagawa rin daw ito ng "smear campaigns" para sirain ang kanyang career.
Wala namang sinabing pangalan ang model-host ngunit nagbigay ito ng clue at sinabing ang pangalan nito ay katunog ng salitang "wrong".
Matatandaang noong Setyembre 19 nang maglabas ng warrant of arrest laban kay Vhong para sa kasong rape na non-bailable.
Umapela naman ang kanyang kampo at nagpetisyon na makapagpiyansa ang "It's Showtime" host para sa pansamantala nitong kalayaan.