Vhong Navarro, pinayagang magpiyansa

Photo from Vhong Navarro Instagram
Pinayagan nang magpiyansa ang aktor at TV host na si Vhong Navarro ng Taguig Regional Trial Court Branch 69 para sa kasong rape na isinampa ng model-stylist na si Deniece Cornejo.
Batay sa desisyon na may petsang December 5, pinayagan ni Presiding Judge Loralie Cruz Dataman ang petition for bail na inihain ng kampo ng aktor at itinakda ng korte ang P1 milyon na piyansa para sa pansamantalang kalayaan ni Navarro habang dinidinig ang kaso.
"Wherefore, premises considered, the petition for bail is hereby granted. The bail of the accused for his provisional liberty is hereby fixed at One Million Pesos (P1,000,000)," paliwanag sa desisyon.
Kung matatandaan, inilipat noong nakaraang buwan sa Taguig City Jail si Navarro mula sa pasilidad ng National Bureau of Investigation bilang pagsunod sa utos ng korte noong November 7.
Nahaharap si Navarro sa kasong panghahalay kay Cornejo na nangyari umano noong Enero 2014. Nauna nang itinanggi ng aktor ang alegasyon laban sa kaniya.
Ayon naman sa kampo ni Navarro, masaya sila at ang pamilya ng aktor sa balitang makakauwi na ito.
