Kaye Abad, loyal

Talagang naging loyal ang aktres na si Kaye Abad sa ABS-CBN at Star Magic dahil hindi niya naisip na lumipat sa ibang TV Network kahit pa nagkaroon na ng mga problema ang network.
Isa si Kaye sa mga artistang binigyan ng loyalty award ng Star Magic kamakailan sa ginanap na bonggang Christmas-themed party ng nasabing talent management.
Present ang celebrity mom sa nasabing event virtually mula sa Cebu at abot-langit nga ang kanyang pasasalamat sa lahat ng bossing ng network at sa mga handlers at managers ng Star Magic.
"Thank you to my Star Magic family for this recognition. Hindi ko na siguro kailangan pang patunayan sa inyo kung gaano ko kayo kamahal, because never pumasok sa isip ko na iwanan kayo," sabi ni Kaye.
"Though may isang instance – Lolo, remember, noong nagpaalam ako sa 'yo bago ako ikasal, titigil na ako? — but then, nandito pa rin ako," sabi pa ng aktres na ang tinutukoy ay ang Star Magic head na si Lauren Dyogi.
"To Lolo LMD, thank you. Isa ka sa mga tao na kahit before, before pa ako mag-'Tabing Ilog,' isa ka sa mga taong naniwala sa kakayanan ko," dagdag niya.
"I hope to be back soon, kung hindi ako mabuntis ulit! Joke lang, ayoko na!"
Bukod kay Kaye, ang iba pang binigyan ng loyalty awards ng Star Magic ay sina Angelica Panganiban, Shaina Magdayao, Dimples Romana, Nikki Valdez at Dominic Ochoa.
