
Aminado ang komedyana at beauty queen na si Herlene Budol na kahit late bloomer siya pagdating sa pagdadalaga at na-enjoy din naman niya ang kanyang kabataan kahit pa tatlo hanggang apat na trabaho ang nilalagare ni Herlene para kumita ng malaki-laking halaga ng pera.
Ito ang dahilan kung bakit hindi niya masyadong nabigyan ng time ang kanyang sarili noong nagdadalaga na siya at ayon sa kanya, mas binigyan niya ng panahon at halaga ang kanyang pamilya.
Ito rin daw yung panahon na nagkasakit at naospital ang pinakamamahal niyang lola na si Nanay Bireng. Naaalala pa niya yung eksenang wala siyang maibigay na downpayment sa ospital.
"Naranasan ko naman po lahat. Siguro ang hindi ko lang naranasan 'yung pagiging dalaga. Kung sabihin niyong 'yung pagkabata, solid po. Pero 'yung pagkadalaga na tipikal ngayon, late bloomer po ako," sabi ng dalaga.
Sa edad na 15 ay nagtatrabaho na raw siya. Hindi siya sanay noon sa mga gimikan hindi tulad ng mga kaibigan niya na kung saan-saan nagpupunta at gumagala.
"Hindi ako masyadong nakakagimik. Ako sa totoo lang po, nakaranas na po ako pero hindi siya para sa akin. Kapag pumapasok po ako sa maingay, 'Ay ano 'yon?' nakakapanibago sa akin. Pero 'yung mga kaedad ko, 'Uy, tara doon tayo.' Gusto kong sumama pero parang iniisip ko, mukhang hindi ako mag-e-enjoy dito, mukhang out of place ako, mukhang hindi ako para dito," sabi ni Herlene.
"Ako, nasa cartoon stage pa lang ako na, Spongebob pa nga rin ang favorite kong palabas eh. Sabi ko 'Bakit parang iba ako sa iba?' Ang hirap magdalaga kapag late na," dagdag pa niya.
Kuwento pa niya, ilan sa mga pinasukan niyang trabaho noon ay ang pagiging staff sa munisipyo, waitress at tindera sa tiangge.