Louise delos Reyes, nanghihinayang

Aminado ang aktres na si Louise delos Reyes na kung may pinanghihinayangan daw siya sa buhay n'ya, iyon daw ay ang mga nasayang na oras na iginugol n'ya sa mga "maling tao."
Sinabi n'ya ito sa media conference nila kamakailan para sa Metro Manila Film Festival (MMFF) movie entry nilang Deleter.
Ayon sa dalagha, gusto niyang maitama sa kanyang buhay noon, kung may chance, ang pagsasayang umano n'ya ng oras sa mga taong hindi naman worth it paglaanan ng panahon.
"Siguro 'yong pag-spent ko ng… 'yong wasted time sa mga maling tao, mapa-lover man 'yan or friend… 'Yon 'yong para sa akin na sana ma-delete ko," sabi ng aktres.
Wala naman s'yang binanggit na pangalan kung sino-sino ba ang kanyang pinatutungkulan.
Ayon sa kanya, hindi naman daw kasi ganu'n kadaling makahanap ng totoong kaibigan sa entertainment industry kaya't maraming oras ang nasayang sa kanya bago n'ya natagpuan ang mga taong masasabi n'yang totoo sa kanya.
"Mahirap kasi talaga makahanap ng totoong connection lalo na sa industry namin. I think naman sa lahat ng industry outside showbiz mahirap makahanap ng ganu'ng connection," paliwanag ni Louise.
"Ngayon kasi mas tini-treasure ko na mas maliit 'yong circle ko pero alam ko na matatakbuhan ko sila anytime," sabi pa ng dalaga.
